Undas ng Manggagawa: Pinatay ang aming Kabuhayan

pea_teller_01

Skyway photo

LABOR MINISTRY NG SIMBAHAN, SUPORTADO ANG LABAN NG MGA TINANGGAL NA TELLERS AT DRIVERS SA PEA TOLLWAY CORPORATION 

“Sinusuportahan namin ang mga programa ng Pangulong Duterte lalo na ang kaniyang kagustuhan na wakasan ang Kontraktwalisayon o ENDO sa bansa”. Ito ang naging pahayag ni Atty. Jehn Louie Velandrez, ang tumatayong legal counsel ng mahigit animnapung(60) empleyado ng PEA Tollway Corporation o PEATC na kamakailan ay tinanggal sa trabaho. “Sa aming pananaliksik, mahigit sa 180 na toll tellers at mga drivers ng shuttle service ng PEATC ang tinanggal sa trabaho. Subalit sa ngayon, nasaanimnapu( 60) pa lamang ang nagdesisyon na magsampa ng reklamo sa DOLE,” dagdag ni Atty. Velandrez.

Sang-ayon sa batas, ang mga manggagawa na ang ginagampanang trabaho sa isang kompanya ay direktang may kaugnayan, mahalaga at kinakailangan ng negosyo ng kompanya ay regular na manggagawa. “Sa unang araw ng kaniyang trabaho, ang manggagawang ito ay regular na, maliban na lamang kung siya ay isailalim sa probation. Sa kaso ng mga manggagawang ating tinutulungan, walang dudang sila ay regular. Ang negosyo ng PEATC ay toll collection at ang mga manggagawang ito ay mga toll collector samantalang ang iba ay mga taga-hatid ng mga toll collectors. Kung wala ang mga manggagawang ito, hindi aandar ang negosyo ng PEATC,” pagdidiin ni Atty. Velandrez. Subalit upang maiwasan ang pagiging regular ng mga empleyado ng kompanya, sila ay idinaan sa mga agency nang mahigit sa sampung taon.

“Sampung taon kaming pinakinabangan. Pagkatapos ay itinapon kami na parang mga basahan lamang. Para kaming pinatay nang inalisan kami ng hanap-buhay!” Ayon kay Jessie Verceles, isa sa mga empleyadong tinanggal. “Ito ang sigaw naming mga manggagawa na matapos maglingkod sa kompanya ay basta na lamang kami inalis sa trabaho. Ang nais naming ay maibalik sa trabaho bilang mga regular”. Dagdag ni Jessie Verceles.

Ayon naman kay Rev. Fr. Erik Adoviso, ang ministro ng Archdiocesan Ministry for Labor Concerns ng Archdiocese of Manila, “Nakakalungkot ang sinapit ng mga kapatid nating ito. Nakalimutan na natin na sila ay tao. Ito ang nakakalungkot sa sistemang ENDO. Wala kang kasiguruhan sa trabaho. Kapag ginusto ng principal employer na alisin ka, kahit may pamilya ka ay hindi ka nito sisinuhin”. Ang RCAM-AMLC ay ang opisyal na labor arm ng Archdiocese of Manila na tumutulong sa mga manggagawang tinanggal o may suliranin sa trabaho. Ito din ay nagbibigay-edukasyon ukol sa batas-paggawa, lalo na sa karapatan ng manggagawa.

“Naging tapat ang mga manggagawang ito sa kompanya. Kailan kaya magiging tapat ang mga negosyo sa mga manggagawa upang sa bawat pag-unlad ng negosyo, ay kasabay nitong umuunlad ang mga manggagawa na silang pangunahing naghirap para sa pagpapaunlad nito.” Dagdag ni Fr. Erik Adoviso.

Sinimulan sa pamamagitan ng isang banal na Misa para sa regularisasyon ang aktibidad ng mga mangaggawa sa harapan ng opisina ng Department of Labor and Employment. Dala-dala ang kanilang mga banners at slogans at nagkaroon ng maikling programa ang mga manggagawa upang pukawin ang atensyon ng DOLE Secretary na si Sec. Silvestre Bello III. Kapansin-pansin ang isang kabaong na dala ng mga manggagawa na may nakasulat na “PINATAY ANG AMING HANAP-BUHAY” bilang simbolismo ng kanilang sinapit na pagkatanggal sa trabaho sa panahon ng Undas. ###

Kontraktwal Gawing regular!

Sampung Taon na Pinakinabangan, Itinapon na Parang Basahan.

Stop Contractual Employment. Fight for Regular Jobs! End Endo Now!

Walang Dangal sa Trabahong Kontrakwal!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *