PANUNULUYAN 2016 (Filipino)

Intramuros – Plaza Lawton—Plaza Miranda
Ika-14 ng  Disyembre 2016
1:00 n.h. – 5:00 n.h.

PANGULONG DUTERTE,
KAMING MAHIHIRAP NAMAN ANG KAKATOK SA INYO!

Kaming mga lider mula sa mahihirap na pamayanan, kasama ang aming mga katuwang mula sa civil society at Simbahan, ay lubhang nababahala sa pagpapatuloy ng marahas at madugong kampanya ng ating pamahalaan laban sa masamang droga. Bagama’t hindi kami tutol sa pagsugpo sa paglaganap ng iligal na droga sa ating lipunan, kailangan ba itong ipatupad nang hindi inaalintana ang epekto nito sa mga mahihirap? Dahil sa digmaang ito, marami sa aming mga kasama ang hindi na magagawang ipagdiwang ang Pasko katulad ng dati. Maraming asawa ang nawalan ng katuwang sa buhay. Maraming anak ang naging ulila, at maraming magulang ang nawalan ng anak. Nababalot ang aming mga pamayanan ng karahasan, takot, at pagkakawatak-watak. Batid namin ang sakit at dalamhati ng mga naiwan ng mga biktima ng digmaang ito, kaya’t hindi namin maiwasang pagdudahan ang tagumpay umano ng pamahalaan sa digmaan kontra droga. Panahon na upang magsalita kami, sa ngalan ng aming mga kasamahang nagdurusa at natatakot.

KARAHASAN

Nagsisimula ang aming araw sa mga balita tungkol sa mga kapitbahay naming napapatay—mistulang mga hayop sila kung tugisin at patayin kasunod ng pagkatok sa kanilang pinto. Ang kabalintunaan nito, marami sa mga biktima ay kabilang sa libu-libong sumuko sa barangay o sa pulisya at umuwi nang may pag-asang sila ay matutulungang magbago. Ngunit ano ang ibinigay sa kanila? Kamatayaan—kung minsan ay nakagapos ang mga kamay at may busal sa bibig, may nakasabit na karatulang nagsasabing sila ay hindi dapat tularan, ang kanilang katawan ay itinambak sa bangketa o kanal, walang bahid ng paggalang sa kanilang dignidad. Mayroon ding mga inosenteng biktima, naipit lamang sa engkuwentro ng mga pulis na nanggigigil maabot ang quota ng kanilang presinto para sa kapalit na bonus o promotion. Gaya sa anumang giyera, karahasan at pambababoy sa mga biktima ang mga pamamaraang ginagamit at hinihimok ng pamahalaan upang tugunan ang problema ng droga. Nagiging normal na ang karahasan.

Naniniwala kaming may mga paraang mas mapayapa at makatao upang ilayo ang mga mahihirap sa tukso ng droga. Naniniwala kaming ang mga gumagamit ng droga ay hindi dapat ituring na kriminal kundi mga biktimang nangangailangan ng programang magtutuwid sa kanilang mga isipan at gawi nang sa gayon ay makapag-ambag sila sa ating lipunan.

TAKOT

Walang pinipiling oras—araw man o gabi—ang pagroronda, pagsosona, at paggalugad ng mga pulis sa aming mga pamayanan, na madalas humahantong sa pagdakip ng mga pinaghihinalaan, kabilang ang mga kabataan. Taliwas sa sinasabi ng ibang mas ligtas na ang pakiramdam ng mga tao ngayon, higit kaming natatakot at nangangamba ngayon para sa aming mga kapamilya. Nayayanig kami sa alingawngaw ng mga putok ng baril, na parang dagundong ng kulog at kidlat na hanggang ngayon ay kinatatakutan ng mga kababayan natin sa Tacloban. Sa tuwing makikita namin ang mga kapitbahay naming naliligo sa sariling dugo, nanghihina kami, lalo na ang mga bata, na para bang nilulunod kaming lahat sa daluyong ng takot. Napaparalisa ang aming mga pamilya sa lumalaganap na kultura ng takot sa aming paligid. Wala nang karapatan ang mga akusado para sa patas na pagdinig. Tinatakot ba kami ng pamamaraang ito upang suportahan ang karahasang dapat naming tinututulan?

Naniniwala kaming huwad ang kapayapaan at kaunlarang nakamit sa pamamagitan ng paglabag sa tamang proseso ng batas, sa pamamagitan ng pagtapak sa karapatan at dignidad ng tao, at sa pamamagitan ng pananakot.

PAGKAKAWATAK-WATAK

Amin ding ikinalulungkot ang epekto ng giyerang ito sa pakikipag-ugnayan namin sa aming kapwa. Sa halip na maipagpatuloy namin ang aming mga sama-samang hangarin gaya ng disenteng pabahay, hanapbuhay, at mga batayang serbisyo, kailangan naming tutukan ang aming pamilya at kasamahan sa pamayanan upang maiwasan ang gulong dala ng giyera kontra droga, mga gulong maaaring gawa ng mga pulis o mga nakamaskarang bigilante na matapang na ngayong pumaslang kahit walang kinalaman sa droga ang taong kanilang papatayin. Sinisira ng kawalan ng tiwala, pagdududa, at pagkakawatak-watak ang ugnayan naming magkakapitbahay. Marami na ang takót lapitan at damayan ang aming kapitbahay na nangangailangan o nagdadalamhati dahil sa pangambang mabansagang nagkakanlong ng mga adik at pusher. Pakaisipin sana ninyo, Pangulong Duterte, ang mga ina at anak na nawalan ng tagapagtaguyod ng kanilang pamilya, mga matatandang magulang na nawalan ng magbibigay sa kanila ng suporta at pagkalinga, at mga batang sa murang edad ay nasaksihan ang pagpatay sa kanilang magulang na itinapong parang basura.

Paano kami magmamalasakitan kung namamayani sa amin ang pagdududa, pagkakakanya-kanya, at kawalan ng pag-asa? Ito ang bunga ng pagkawasak na dala ng Oplan Tokhang sa aming mga lugar. Magiging matatag pa kaya ang ating bayan kung ang pagbabayanihan at pakikipagkapwa-tao ay isinasantabi?

SA ATING PANGULONG DUTERTE

Inuulit po namin, Pangulong Duterte, hindi po namin sinasalungat ang inyong hangaring sugpuin ang problema ng droga sa ating bansa. Ang ikinababahala namin ay ang pamamaraang ginagamit, pamamaraang walang pagkilala sa proseso ng batas at walang pagtulong sa mga kapitbahay naming biktima. Ikinalulungkot namin ang diskriminasyon sa mga mahihirap, ang pagkawasak ng mga pamilya at pamayanan, at ang pagdami ng mga nauulilang asawa, anak, at magulang. Ang kailangan ng mga taong target ng digmaan kontra droga ay disenteng hanapbuhay, maayos na bahay, sapat na pagkain, malinis na tubig, maayos na kalusugan, at malinis na kapaligiran. Lalakí ang kanilang mga anak sa isang ligtas na pamayanang nagbibigay sa kanila ng maayos na edukasyon at kinabukasang kapiling ang isang pamilyang buo.

Paparating na po ang Pasko, Pangulong Duterte. Sa susunod na pagkatok ng mga pulis sa aming pinto, maaari kayang ang dala nila bilang aginaldo mula sa inyo ay hindi karahasan kundi KAPAYAPAAN? Hindi takot kundi PAG-ASA? Hindi paghihinala at pagkakawatak-watak kundi MALASAKIT at PAGKAKAISA? Patuloy kaming kakatok sa inyong pinto, hindi nga lang kasintindi ng ginagawa sa Oplan Tokhang, kundi sa mahinahon at mapayapang paraan katulad ng ginawa nina Jose at Maria nang sila’y naghahanap ng lugar upang isilang si Hesus. Katulad ng Banal na Pamilya, kami ay umaasang ang Palasyo ng Malacañang ay magiging simbolo ng kapayapaan, pag-asa, malasakit, at pagkakaisa, mga kaloob ng Panginoon sa sangkatauhan. Ito ang tunay na diwa ng Paskong Pilipino.

Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Panunuluyan, sinasamahan namin sina Jose at Maria sa paghahanap ng ligtas na lugar para sa ina at sa sanggol sa kanyang sinapupunan. Ito rin ang hangarin naming mga mahihirap. Ito ang aming pagtataya sa mensaheng hatid ni Hesus sa kanyang kapanganakan:

KAPAYAPAAN SA MGA TAONG KINALULUGDAN NIYA

ITIGIL ANG MGA PAGPATAY SA AMING MGA ANAK, ASAWA, MAGULANG, AT KAPATID. ITIGIL ANG KARAHASAN na ipinaparanas sa mga mahihirap. Makinig sa aming mga mamamayang may takot sa Diyos at may mga karapatan, kaming ang tanging hangad ay mabigyan ng maayos na buhay ang aming pamilya at ang aming pamayanan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *