Manipesto Ng Lakbay Buhay

The Lakbay Buhay is a 21-day nationally coordinated, cross-country and basic-sector-led caravan aimed at helping create broad public opinion against the restoration of death penalty in the country. Here’s the scene in Cebu City today. | via May Miasco

Pahayag Ng Mga Tagabuo Ng Kampanya At Manlalakbay

Sa darating na Mayo 04 2017, magsisimulang maglakbay sa loob ng dalawampu’t isang (21) araw sa iba’t ibang probinsya ng bansa ang labindalawang (12) manlalakbay na representante ng mga magsasaka, katutubo, manggagawa, maralitang lungsod at iba pang batayang sektor ng lipunan. Sisikapan ng mga manlalakbay na hubugin ang opinyon ng publiko hinggil sa nakaambang panukalang batas sa Kongreso na nagbabalik sa parusang kamatayan sa ating bansa. Suportado ang labindalawang manlalakbay ng iba’t ibang organisasyong sektoral, kilusang panlipunan, at mga grupong simbahan.

Hinihimok namin ang aming mga kapuwa Pilipino na sumama sa aming kampanyang Lakbay-Buhay kung saan ipahihiwatig namin ang aming nagkakaisang oposisyon laban sa parusang kamatayan, isang panukalang labag sa mga prinsipiyo ng dignidad na kaloob sa bawat tao at hustisyang nagbibigay-buhay; isang panukalang labag sa mga pandaigdigang kasunduan, at lalong inaapi ang mga mahihirap.

1. Kontra ang parusang kamatayan sa prinsipyo ng hustisyang nagbibigay-buhay, at sinisira ang batayang prinsipyo ng halaga ng buhay at ng dignidad na kaloob sa bawat tao

Naniniwala kami na habang papaunlad ang mga lipunan sa buong daigdig, kinikilala ng mga mga tao sa iba’t ibang dako ng mundo ang halaga ng buhay at dangal na kaloob sa bawat tao. Habang binibigyang inspirasyon at pinapakilos ng mga tradisyong relihiyoso, at ng mga batayang prinsipyo ng pagiging tao, naniniwala kaming kinikilala ng sangkatauhan ang buhay at dignidad na kaloob sa bawat tao mapaano man ang uring lipunan, edad, kasarian, relihiyon, o paniniwala. Ang pagtanaw na ito ang siyang nagsasaad na ang tao ay hindi lamang kasangkapan kundi isang mahalagang layunin na siyang marapat pangalagaan at protektahan. Naniniwala kami sa gayon na ang trabaho ng gobyerno ay isulong ang isang lipunang kinikilala ang kabutihan ng bawat tao, siyang nakikita ang batas hindi bilang instrumento upang sirain ang mga taong kanyang marapat protektahan kundi bilang daan upang siguruhin na maitatama ang mga kamalian at maibabalik ang mga nagkasala sa kabuuan ng kanilang pagkatao.

Naniniwala kami sa gayon na ang parusang kamatayan, isang parusa na hindi na maaaring maibalik ang buhay na kinitil at siyang sinasabi nilang “maitatama ang mga mali”, ay sinisira ang anumang posibilidad na magbalik-loob sa kabutihan ang taong nagkasala. Winawasak nito ang tao mismo sa kanyang kabuuan. Binibigyang diin din ng parusang kamatayan ang taong nagkasala at hindi mismong iyong mga struktura at institusyon na nagdulot ng kamaliang nagawa ng nagkasalang tao. Alinsunod ito sa pandaigdigang direksyon tungo sa pagtanggal ng parusang kamatayan mula dekada ‘80sl; ngayon, 141 o dalawa sa bawat tatlong bansa ang tinanggal na ang parusang kamatayan bilang batas[1].

2.  Ang parusang kamatayan ay iligal at labag sa batas, nilalabag nito ang mga pandaigdigang kasunduan kung saan nakapirma ang Gobyerno ng Pilipinas

Labag sa Second Optional Protocol on International Convention on Civil and Political Rights (ICCPR) ang panunumbalik ng parusang kamatayan. Isa itong pandaigdigang kasunduan na nilagdaan ng Pilipinas noong Nobyembre 2007. Ayon sa isang eksperto, “Ang Pilipinas ay mayroong pananagutan sa absoluto at permanenteng pagkakatanggal ng parusang kamatayan sa bansa… ang pagpasa ng anumang batas na magbabalik dito ay magkakaroon ng epekto sa katayuan ng Pilipinas sa internasyunal na komunidad”. Samakatuwid, kung ibabalik ng Pilipinas ang parusang kamatayan, haharap ang ating bansa sa pagkundena ng ibang mga bansa lalo na’t pumirma ang gobyerno sa mga internasyunal na kasunduan at kumbensyon.

Ang ganitong paglabag sa mga internasyunal na batas ay mayroon ding epekto sa ekonomiya ng bansa. Sa ugnayan sa pagitan ng European Union at Pilipinas na nakapaloob sa Generalized System of Preferences Plus (GSP+), isa ang kasiguruhan na walang parusang kamatayan sa bansa sa mga batayang pamantayan upang magkaroon ng palitan ng mga produktong import at pang-export. Ang kasunduang ito ay nagkakahalaga ng $12.8B at saklaw ang mahigit sa 6,000 na klase ng produkto kabilang na ang mga prutas, langis ng niyog, tuna at iba pa[2]. Nanganganib ang ugnayang ito kung maibalik ang parusang kamatayan. Pangunahing maapektuhan sa posibilidad ng pagkawala ng ugnayang ito ang mga magsasaka at mangingisda, at ang pangkabuhayan ng mga mahihirap.

Dagdag pa rito, marami nang akademiko at pag-aaral ang nagsasaad na walang ebidensya na nagpapababa ng krimen ang parusang kamatayan. Sa katunayan, sa panahon kung kailan nagkaroon ng parusang kamatayan an gating bansa, tumaas ang bilang ng krimen nang 15[3]. Kaya naman naniniwala kami na hindi lamang ito labag sa batas kundi hindi rin epektibo pagdating sa pagpapababa ng krimen sa bansa.

3.  Ang mga mahihirap at api ang pangunahing maapektuhan ng parusang kamatayan

Pinakamahalaga sa lahat, bunga ng kahinaan ng ating sistemang pangkatarungan kung saan nakakatakas mula sa batas ang mga mayayaman at maykapital na may sala, habang ang mga mahihirap naman ay nabibilanggo at nalalagay sa mga di-makataong kondisyon, ang pangunahing tatamaan ng batas ay ang mga mahihirap.   Ang mga inosenteng mahihirap, sapagkat wala silang kakayahang magkaroon ng magagaling na abogado, ay mas mataas ang posibilidad na makulong at mahatulan ng kamatayan gawa ng kawalan ng kapital. Hindi na natin kailangan pang lumayo sa Kristiyanong halimbawa ni Kristo kung saan siya ay biktima ng isang sistemang pangkatarungan na mapang-api at hindi patas—hanggang sa si Kristo ay pinako sa krus. Sinasalamin ng halimbawang ito ang maaaring mangyari sa panukalang parusang kamatayan sa Pilipinas, higit sa lahat, sa kung paano ang mga mahihirap at api ang siyang higit na dehado.

Kinikilala namin sa gayon ang panunumbalik ng parusang kamatayan bilang ‘di makatao, ilegal, ‘di epektibo, at laban sa mga mahihirap. Ang problema sa droga, gaano man katindi ang pagsasalarawan ng gobyerno, ay hindi sapat na dahilan para sa pinsalang maidudulot nito sa ekonomiya, lipunan, at moralidad.

Sa gayon inaanyayahan namin ang mga Pilipino na pagtibayin ang kanilang karapatan sa pagkontra sa panukalang batas sa Senado. Hinihimok namin ang lahat na sumama at suportahan ang kampanyang Lakbay-Buhay na siyang dadaan sa labing-apat (14) na siyudad sa bansa. Ipinagdadasal din namin n asana dinggin ng mga Senador ang kanilang konsensya, at isulong ang interes ng mga maralita sa pagtanggi sa parusang kamatayan.


[1] Dr. Christopher Ward, SC, IN DEFENSE OF THE RIGHT TO LIFE: INTERNATIONAL LAW AND DEATH PENALTY IN THE PHILIPPINES, A study by the Commission on Human Rights of the Philippines, 2017

[2] PH to lose $12.8B in EU trade if death penalty returns. Accessed from: http://www.rappler.com/nation/162145-villarin-philippines-lose-billions-eu-trade-death-penalty

[3] “During the early part of former President Fidel Ramos’ administration, the death penalty was re-imposed by virtue of R.A. No. 7659, which was passed in December 1993. A convict, Leo Echagaray, was executed in February 1999, followed by six other executions for various allegedly heinous crimes. However, notwithstanding the reimposition of the death penalty, national crime rate increased by 15.3 percent or a total of 82,538 (from 71,527 recorded crimes in the previous year)”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *