Pahayag ng CBCP sa Usapin sa Marawi, Terorismo at Diyalogo
Sa Lahat Ng Mga Taong May Mabuting Kalooban:
Pagbati ng kapayapaan mula sa Makapangyarihan at Lubhang Maawaing Diyos.
Kami na mga Katolikong Obispo ng Pilipinas, ay nakikiusap sa inyong pagdamay at pakikipagtulungan. Lahat tayo ay sumisigaw mula sa nilalaman ng ating puso: Ang Digmaan sa Marawi ay huwag na muling maulit pa! Ang Digmaan sa Marawi ay matapos na! Nananawagan kami sa pagpapanumbalik ng maayos na pamumuhay at kalagayan, maging ng kapayapaan sa Marawi, gayundin ng kapaligiran nito sa lalong madaling panahon. Isang palaisipan sa amin kung ang pagpapatuloy ng Batas Militar o Martial Law, lalo na ang pagpapahaba pa nito ay magreresulta sa hangaring ito.
Naniniwala kami na ang digmaan sa Marawi ay hindi usapin ng relihiyon. Napakinggan namin at nabasa ang mga nakakamanghang kuwento kung paanong ang mga Muslim ay nagawang protektahan at tulungan ang mga Kristiyano na makatakas mula sa nakaambang kamatayan. Hanggang sa ngayon ang mga Kristiyano ay umaalalay sa libu-libong mga Muslim na umalis mula sa Marawi para sa kanilang kaligtasan. Ito ay mga hindi mapag-aalinlanganang tanda na walang digmaan sa usapin ng relihiyon.
Pagkundena sa Terorismo at Matinding Karahasan
(Condemnation of Terrorism and Violent Extremism)
Sa kadahilanang ito bilang mga Katolikong namumuno, mahigpit at ganap naming tinututulan gaya ng ginagawa ng mga dalubhasang nagtuturo ng Islam sa Mindanao, ang paghahasik ng matinding karahasan ng grupo ng Maute sa Marawi. Ang mga pinuno at kasapi nito ay sumapi na rin sa mga ISIS. Nilabag na nila at hindi pinahalagahan ang mga pangunahing katuruan at pinapahalagahan ng Islam sa pamamagitan ng pagdukot at pagbihag, pananakit at pagpatay sa mga inosenteng sibilyan.
Diyalogo sa Kapayapaan, ang Nagkakaisang Salita
(Dialogue for Peace, the Common Word)
Makiisa po kayo sa amin, mga minamahal na may mabuting kalooban, sa pagtataguyod ng mga diyalogo sa diwa ng pananampalataya (intra-faith dialogue) mula sa ating mga iginagalang na mga kasamahan sa ibang pananampalataya upang ang ating mga pananampalataya ay hindi mapagsamantalahan at maabuso sa pangalan ng terorismo at matinding karahasan. Siguruhin ng mga magulang, paaralan, simbahan at mosques na hindi maakit ang sinuman ng mga terorista. Turuan natin ang mga kabataan at ang mga nakatatanda na ang ating mga pananampalataya ay para sa kapayapaan. Walang relihiyon na nagtuturo ng pagkitil ng buhay ng mga taong walang kamalayan o dahil lamang sa sila ay nabibilang sa ibang relihiyon.
Makiisa po kayo sa amin at sama-sama po nating ipagpatuloy ang pakikipag-diyalogo sa iba’t-ibang relihiyon (inter-religious dialogue) na ipinananawagan ng mga daan-daang namumuno ng Islam sa buong mundo. Noong 2007, nanawagan sila para sa kapayapaan sa pagitan ng mga Muslim at mga Kristiyano ng kanilang isulat ang kilalang bukas na liham na “the Common Word” para sa mga namumunog Kristiyano. Napakatotoo ng kanilang mga salitang binitiwan! Isinulat ng mga lider na Muslim ang ganito:
Ang basehan ng kapayapaan at pag-uunawaan ay ganap ng umiiral. Ito ay bahagi na ng pundasyon at prinsipyo ng dalawang pananampalataya: pagmamahal sa Iisang Diyos at pagmamahal sa kapwa.
Ito ang kautusan ng Diyos sa Deuteronomio 6:4-5.
“Dinggin ninyo mga Israelita: Si Yahweh lamang ang Diyos. Ibigin ninyo siya ng buong puso, kaluluwa at lakas.”
Ang ating Panginoong Hesus, na iginagalang din na propeta sa Qur’an, ang bumanggit ng tekstong ito at nagbigay paliwanag dito sa Ebanghelyo ni San Markos 12:28-31.
“Narinig ng isa sa mga eskribang naroon ang kanilang pagtatalo. Natanto niyang mahusay ang pagkasagot ni Hesus sa mga Saduseo, kaya lumapit siya’t nagtanong, “Alin pong utos ang pinakamahalaga?” Sumagot si Hesus, “Ito ang pinakamahalagang utos, ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos – siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at ng buong lakas.’ Ito naman ang pangalawa, ‘ Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.”
Kanyang pang ipinag-utos sa atin “Magmahalan kayo, katulad ng pagmamahal Ko sa inyo” (Juan 15:12)
Pagkilos ng may Pag-ibig at Pagpapasalamat
(Praxis of Love and Gratitude)
Ang mahalin ang ating kapwa ay nangangailangan ng pagkilos. Sama-sama tayong magbahagi mula sa ating mapagkukunang yaman upang ating matulungan ang libu-libong mga taong lumikas mula sa panganib sa Marawi. Ipanalangin natin ang kaligtasan ng mga nananatiling mamamayan, yaong mga nakadama ng dahas at dinalang-bihag ng mga terorista. Maging mapagmasid tayo at alerto, sa pagtulong sa mga namamahala ng ating kaligtasan na hadlangan ang mga banta ng terorismo sa iba’t ibang lugar sa Mindanao. Makipagtulungan tayo sa pamahalaan na maibangon muli ang Lungsod ng Marawi upang muling makabalik ang mga mamamayan nito at maisaayos ang nasira nilang buhay.