Ipagbawal ang Pagmimina sa Isla ng Manicani

Photo credit: Msgr. Bernie Pantin

Pahayag ng Pagsuporta Ng Urban Poor Alliance (UP-All) Mega Manila sa Protect Manicani Island, Inc. (PROMISI)

Kaisa ng PROMISI ang Urban Poor Alliance–Mega Manila (UP-ALL Mega Manila), isang alyansa ng mga people’s organizations at NGOs na nagsusulong ng reporma sa sektor ng pabahay para sa mga maralitang tagalungsod, sa panawagang hindi dapat i-renew ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang panibagong aplikasyon para sa 25-taóng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) ng Hinatuan Mining Corporation (HMC).

Naniniwala kaming mapanganib para sa isang maliit na islang tulad ng Manicani ang pagmimina, at nakita na natin sa mga nakalipas na panahon, noong operational pa ang mga minahan sa isla, ang matinding epekto ng pagmimina sa kapaligiran ng isla at sa ugnayan ng mga magkakapamilya.

Naniniwala rin kaming ihihiwalay ng pagmimina ang mga tao sa kanilang pangunahing kabuhayan. Aagawin ng minahan ang mga lupang tinataniman ng mga magsasaka, at dudumihan nito ang karagatang pinapangisdaan ng mga taga-Manicani. At sa pagkawala ng kanilang kabuhayan, gutom at kahirapan ang daranasin ng mga taga- Manicani. Hindi pa sila lubusang nakababangon mula sa iniwang pinsala ng Super Bagyong Yolanda; nawa’y hindi na madagdagan pa ang kanilang paghihirap ng panibagong banta ng pagmimina.

Hindi maitatangging maraming likas-yaman ang Pilipinas, ngunit ang paglinang sa mga ito ay hindi dapat magdulot ng pinsala sa kapaligiran at sa buhay mga tao. Tungkulin ng lahat na pangalagaan ang mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Poong Lumikha, at tinutupad ito ng mga kasapi ng PROMISI, alang-alang sa kasalukuyan at susunod pang henerasyon sa Manicani. Nawa’y gampanan din ng pamahalaan, sa pangunguna ng DENR, ang tungkuling ito sa pamamagitan ng pagtiyak na hindi na muling masisira ng pagmimina ang isla ng Manicani.  

Cipriano “Ka Ping” Fampulme
Regional Convenor UP-ALL Mega Manila
Ika-21 ng Nobyembre 2017

JOSE MORALES
Ugnayang Lakas ng mga Apektadong Pamilya sa Baybaying Ilog Pasig (ULAP) – Quezon City
ZACARIAS ASUNCION
Luzon CMP PO Network
CLAIRE FAJARDO
Ugnayang Lakas ng mga Apektadong Pamilya sa Baybaying Ilog Pasig (ULAP) – Manila
OFELIA BAGOTLO
Homeless People’s Federation of the Philippines, Inc.
EVANGELINE SERRANO
Ugnayang Lakas ng mga Apektadong Pamilya sa Baybaying Ilog Pasig (ULAP) – Montalban
PRESCILDA JUANICH
Nagkakaisang Lakas ng Maralitang Navoteño Federation
BELLA DELA ROSA
Ugnayang Lakas ng mga Apektadong Pamilya sa Baybaying Ilog Pasig (ULAP) –Taytay
CARLOS DIAZ
Alyansa ng mga Mamamayang May Integridad ng Malabon (AIMM)
JEORGIE TENOLETE

Kabalikat sa Kaunlaran ng Baseco (KABALIKAT)

Kasama ang mga NGOs:

  1. Community Organizers Multiversity (COM)
  2. Foundation for the Development of the Urban Poor (FDUP)
  3. John J. Carroll Institute on Church and Social Issues (JJCICSI)
  4. People’s Alternative Study Center for Research and Education in Social Development (PASCRES)
  5. Urban Poor Associates (UPA)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *