Sa pagdiriwang ng Pagbubukas ng 2018 bilang Taon ng Kaparian at ng mga Relihiyoso 

CBCP Pastoral Exhortation

Unang Linggo ng Adbiyento, ika-3 ng Disyembre 2017

Mga minamahal na kapatid kay Kristo,

Pagbati ng biyaya at kapayapaan sa inyong lahat!

Sumapit na tayo sa ika-anim na taon ng ating siyam na taong paglalakbay patungo sa 2021 – ang ika-500 taon ng pagdating ng pananampalatayang Kristiyano sa Pilipinas. Naganap noong 1521 ang kauna-unahang pagdiriwang ng unang Banal na Misa at ng sakramento ng Binyag sa kapuluan ng Pilipinas. At nagsimula ang debosyon sa Santo Nino sa Cebu. Yan ang pasimula ng pangangaral ng Mabuting Balita sa ating bansa.

Ang taong 2018 ay itinakda para sa Kaparian at sa mga nasa Buhay-Relihiyoso. Kung tutuusin, sila ay maliit na bilang lamang sa Simbahan, ngunit ginagampanan nila ang isang mahalagang papel sa misyon ng Simbahan. Sa ating kultura, sila’y mahalagang instrumento sa mga Layko nang tunay nilang matanggap ang Mabuting Balita at maging isang komunidad ng mga alagad na nangangaral ng Mabuting Balita. Ngunit, hindi rin sila nakaiiwas sa kambal na kamalian ng paghihiwalay ng pananampalataya at kakulangan sa pagiging alagad ni Kristo.

Pinagbagong pinunong-lingkod para sa panibagong pagpapahayag ng Mabuting Balita – ito ang hantungan ng ating mga panalangin at mga gawain sa taong ito. Hangad nating makamit ang pagbubuo at pagpapanibago ng ating mga pagpapahalaga, kaisipan, asal at paraan ng pamumuhay ng Kaparian at ng mga Relihiyoso. Bilang pagsunod sa halimbawa ng Mabuting Pastol, sila’y inaanyayahang maging mga pinunong-lingkod na nangangalaga sa mga minamaliit, nawawala at pinahuhuli. Ito rin ay magiging taon ng muling pagsusuri ng mga pamamaraan ng mga seminaryo at ng paghuhubog sa buhay-Relihiyoso at ng pakikilahok sa mga Layko sa gawain ng misyon at paglilingkod.

Sa pagsapit natin sa pinanibagong pagpapahayag ng Mabuting Balita nabatid natin ang liwanag na sumisinag sa ating daan. Masipag na ipinagdiriwang ng ating mga pari araw-araw ang mga sakramento sa mga abalang lungsod at mga malalayo at liblib na barangay. Ang mga Relihiyoso naman ay nangangasiwa sa mga institusyong pang-simbahan, nagtuturo ng katesismo at naglilingkod sa mga parokya. Sila’y nagdudulot ng kagalakan sa mga bahay-ampunan, ospital at mga bilangguan. Ang ilan ay nagsimula narin umalalay sa rehabilitasyon ng mga nalulong sa ipinagbabawal na gamot. Bagama’t walang abito, ang mga kasapi ng mga institutsyong pang-Layko ay buong katapatang kumikilos para sa ikatataguyod ng Kaharian ng Diyos sa kanilang abang kapamaraanan. Sila’y tunay na nagbibigay sa atin ng inspirasyon at lakas, halimbawa na lamang ay ang pari ng Marawi na si Fr. Teresito “Chito” Soganub na muntik nang mamatay dahil sa pangangalaga sa kanyang mga parokyanong naipit sa putukan ng digmaan. Binibigyang pag-asa nila tayo sa kinabukasan.

Sa kabilang banda, hindi maitatanggi na ang liwanag ng mga ilaw ay nakukublian ng mga nakapamamanglaw na anino mula sa ilang Kaparian at Relihiyoso. May mga pagkakataong nalulungkot tayo dahil sa kanilang karupukan at mga eskandalong kinasasangkutan. Ang mga maling asal na ito ay nananawagan ng tunay na pagninilay at buong kababaang-loob na pagsisisi at pagbabayad-puri. Ang mga kamaliang ito nawa’y magdala sa atin sa bago at mas malawak na pagkakatong magpanibago at makiisa sa mga mahihina at nasisiraan ng loob. Nawa’y ang ating mga pari at Relihiyoso, sa kabila ng kanilang karupukan at pagiging sugatan, ay magpatuloy na maglingkod at gumabay sa mga kapwa-makasalanan taglay ang kagalakan ng Mabuting Balita na maghahatid sa kaganapan ng buhay. Pinalalakas ni Hesus ang ating loob sa pamamagitan ng kanyang salita: “Magdaranas kayo ng kapighatian sa sanlibutang ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!” (Juan 16:33)

Ang pagpapanibago ng Simbahan ay nangangailangan ng pagpapanibago ng Kaparian at ng mga Relihiyoso. Dahil dito, kumukuha tayo ng inspirasyon at halimbawa sa magiliw na yugto nang hugasan ni Hesus ang mga paa ng kanyang mga alagad.

ANG PAKIKIPAGKAISA NI HESUS SA AMA

“Alam niyang siya’y mula sa Ama …” (Juan 13:3) – Hindi nawala ang kaisahan ni Hesus sa kanyang makalangit na Ama nang siya’y namuhay dito sa lupa. Ang kanyang pakikiisa at pakikipagpalagayang-loob sa Ama ang nagtulak sa kanya na abutin ang mga makasalanan at mga nangangailangan. Ito ang pinagmumulan ng bisa ng kanyang pananalita at mga himala (cf. Juan 6:38. 46; Juan 8,19. 29).

Bilang mga Layko, mga pari at mga Relihiyoso, inaanyayahan tayong makibahagi sa “pakikipagkaisa” at “pakikipagpalagayang-loob” kay Hesus at sa Ama. Ang Kaparian at mga Relihiyoso ay kaisa ni Kristo sa pagpapahayag ng Salita, sa pagdiriwang ng mga Sakramento at sa Espirituwal na pamumuno. Yan ang dahilan kung bakit tayo tinatawag na mga “alagad ng Diyos”, mga maka-Diyos at ang mas naangkop “lingkod ng Diyos”. Sa pamamagitan ng kanilang paglilingkod na nagpapabanal sila mismo’y napababanal (cf. CCC, 1534).

Ngunit minsan, sila’y tila nalalayo sa Diyos at sa pagtupad ng kanyang kalooban. May ilang nalululong sa mga materyal na bagay, sa kanilang pag-aasam sa sarap ng buhay at sa kapangyarihan. Sa halip na maging mga pinunog-lingkod ng pagkakaisa sila’y nagtutulak pa sa atin sa kalituhan at pagkakawatak-watak. Ipanalangin nating lagi tayong maging kaisa ni Hesus katulad niya na laging kaisa ng Ama! Ipinapanalangin natin ang Kaparian at mga Relihiyoso na patuloy na tumalima kay Hesus ang maging mga ganap na alagad ng Panginoon na laan sa Panibagong Pagpapahayag ng Mabuting Balita. (cf St. John Paul II, Pastores DaboVobis III, 26)

TUMINDIG SI HESUS NANG BUONG KABABAANG-LOOB NA MAGLINGKOD

“Tumindig si Hesus…” (Juan 13:4) – Tumindig si Hesus mula sa hapag upang hugasan ang mga paa ng kanyang mga alagad. Ang kanyang pagmamahal sa kanila ang nag-udyok sa kanyang maglingkod nang buong kababaang-loob.

Sa pamamagitan ng kanyang walang kapagurang lakas sa pakikipag-isa sa Ama, buo ang loob ni Hesus na paglingkuran at mahalin ang mga ipinagkatiwala sa kanya, kahit na hanggang kamatayan, kamatayan sa krus (cf Filipos 2:8). Tayo, bilang kabahagi ng kanyang Simbahan, ay inaanyayahang gawing ganap ang Kaharian ng Diyos na nasa ating piling. Tinatawagan tayong kalingain ang mga higit na nangangailangan, na mahalin at paglingkuran ang mga malalayo sa atin. Ang Kaparian at mga Relihiyoso na binigyan ng tungkuling pamunuan ang ating mga komunidad, na minsan ay nabibigyan ng mga prebilehiyo at entitlement, ay kinakailangang bumangon mula sa kumportable at maalwang posisyon upang bukas-palad at buong kababaang-loob na makapaglingkod. Manindigan nawa sila laban sa mundong na unti-unting nagiging manhid at minsa’y napopoot sa Mabuting Balita, ngunit patuloy na nagugutom sa isang bagay na hindi nito batid. Sa huli, Ang Mabuting Balita ay magwawagi, ang pananampalataya kay Hesus ay mabibigyang-matwid, sapagkat kanyang sinabi: “huwag kayong matakot sapagkat nagapi ko na ang mundo” (Juan 16:33)

“…AT KANYANG HINUGASAN ANG MGA PAA NG MGA ALAGAD.”

“…at hinubad niya ang kanyang damit …kanyang hinugasan ang mga paa ng mga alagad…” (Juan 13:4-5) Habang nakaluhod sa paanan ng mga alagad, hinubad ng Pangnioon ang damit na pananggalang at ibinigkis ang tuwalya ng paglilingkod. Ipinakita niya ang halimbawa ng kababaang-loob sa paghuhugas niya sa kanilang mga pagod at maruruming paa. Pinaalalahanan niya silang gawin iyon sa isa’t isa, “…kung ano ang ginawa ko sa inyo, gawin din ninyo sa isa’t isa” (Juan 13:15)

“Anong ganda ng mga paa ng mga naghahatid ng Mabuting Balita” (Isaias 52:7; Roma 10:15). Kinikilala ng Banal na Kasulatan ang kanilang kagalakan, sila na naghahatid ng mensahe ng Mabuting Balita. Ang tungkuling maghatid ng Mabuting Balita ay may kaakibat na pagdamay, at pagtawid sa kalayuan, dito sa ating bansa at sa mga bansa ng Asia. Dapat nating siguruhin na hindi mawaglit ang sinumang nangangailangan ng galak at pag-asa na hatid ng Mabuting Balita. “Sa mga nasa laylayan!” Ilusad ang ating mga manggas at kumilos! Ang Simbahan ay isang ospital sa larangan ng digmaan! “Duc in altum!”

Minamahal kong Bayan ng Diyos, patuloy ninyong suportahan ang Kaparian at mga Relihiyoso sa kanilang paglalakbay bilang “lingkod ng mga lingkod ng Mabuting Balita”. Bilang mga pastol ng kawan ng Panginoon, “maging kasing-amoy nawa nila ang kanilang mga tupa”. Bilang mga marurupok na magiliw na tagapaghatid ng Pinanibagong Pagpapahayag ng Mabuting Balita, mahikayat nawa nila ang kanilang kapwa na makilahaok sa misyon sa pamamagitan ng buong kababaang-loob na paglilingkod, ng pag-ibig na nakikita sa gawa, at sa pagpapalakas sa mga dukha, sa mga nawawalang pag-asa, sa mga biktima ng kawalang katarungan at panggigipit (cf. Isaias 52:7; Roma 10:15).

Ipanalangin natin ang ating mga kabataan na nasa mga seminaryo at formation house. Habang sila’y naghahanda para sa buhay ng pag-aalay ng sarili at paglilingkod, ang pakikipagkaisa nawa nila kay Hesus ang maging kadluan ng kanilang inspirasyon, lakas at galak.

Bilang mga Layko, Kaparian at mga Relihiyoso, namatili nawa tayo sa pakikipagkaisa kay Hesus. Kasama ni Maria, ipahayag natin ang kadakilaan ng Panginoon at laging magalak sa Panginoong ating Tagapagligtas. Maging mga lingkod nawa tayo ng Pinanibagong Pagpapahayag ng Mabuting Balita sa ating kapwa nang dumatal na ang araw, na ang Diyos ay mapapasalahat (cf 1 Corinto 15:28b).

Mula sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, ika-3 ng Disyembre 2017, Unang Linggo ng Adbiyento.

+ ROMULO G. VALLES, D.D.
Arsobispo ng Davao
   Pangulo, Catholic Bishops’ Conference of the Philippines

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *