Chicha Hindi Chacha: Workers Never Asked for Charter Change

Photo credit: Partido Manggagawa

Statement of  Partido Manggagawa at the Public Hearing on Proposed Amendment/Revision of the 1987 Constitution, Senate Committee on Constitutional Amendments

February 1, 2018

Magandang hapon po sa ating kagalang-galang na tagapangulo, Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, at sa mga kasapi ng dalawang komiteng ito ng Senado. Ganundin po sa lahat ng resource persons na nandirito ngayon. Una ay nagpapasalamat ang aming partido, ang Partido Manggagawa, sa inyong paanyaya na maging kabahagi ng pagdinig na ito. Bihirang bihira po kasi na natatanong ang batayang mga sektor kung ano ang aming pananaw sa mga pulitikal na bagay na katulad nito kung kaya’t sasamantalahin na po namin ang maikling oras at ispasyong ito para ibahagi ang aming mga pananaw tungkol dito.

Your honors, tungkol sa unang tanong kung kailangan na bang amyendahan o rebisahin ang 1987 Constitution. Kailanman ay hindi po naging kahilingan ng uring manggagawa ang charter change o chacha mula nang tangkain itong buksan noong panahon pa ni Pangulong Ramos, Estrada at Arroyo. Wala din ito sa aming mga kahilingan at agenda noong panahon ni Pangulong Noynoy Aquino at maging sa panahon ngayon ni Pangulong Duterte.

Sa madaling salita, ang chacha ay hindi namin kahilingan. Dahil ang gusto po namin ay chicha, hindi chacha. Maari kayong matawa sa posisyong ito pero hindi po kami nagbibiro. Ang listahan ng aming mga kahilingan (11 lahat) ay opisyal na nakasumite sa Office of the President at siyang paksa ng aming mga negosasyon ngayon sa Malacanang, dito sa inyo sa Kongreso, at maging sa lansangan. Alam kasi namin na kung gugustuhin ninyo ay maari ninyo kaming mabigyan ng chicha kahit wala itong chacha.

Your honors, ang damdaming inihahayag namin dito ay kumpirmado rin ng mga isinagawang survey bago at matapos ang 2016 elections. Chicha at hindi chacha ang top 5 concerns ng mga Pilipino. Noong 2015 bago ang eleksyon ang mga ito ay:

  1. controlling inflation (45%),
  2. improving or increasing the pay of workers (42%),
  3. reducing poverty (38%),
  4. creating more jobs (34%), at
  5. fighting graft and corruption in government (34%)

Noong September 2016, o tatlong buwan matapos ang eleksyon, ay nagsagawa ulit ng parehong survey at halos hindi nagbago ang resulta:

  1. improving or increasing the pay of workers (46%),
  2. creating more jobs (38%),
  3. controlling inflation (37%),
  4. fighting graft and corruption in government (32%), at
  5. fighting criminality (31%).

Your honors, ang ‘chicha’ ay Filipino slang ng pagkain at para sa amin, ito po ay hindi simpleng bagay. Kinakatawan nito ang aming kabuhayan at karapatan kagaya ng pulso ng karamihang Pilipino sa isinagawang survey. Kaya nga po ang katumbas na mga kahilingan namin kaugnay nito ay ang mga ss:

  1. ganap na pagtigil sa kontrakwalisasyon,
  2. dagdag na sweldo at pagbabago sa sistema ng pagtatakda ng sweldo,
  3. kalayaan sa pag-uunyon, collective bargaining at strike,
  4. pagpapababa sa presyo ng kuryente,
  5. disenteng pabahay, at iba pa.

Para mangyari ito ay hindi naman kinakailangan ng pagbabago sa ating Saligang Batas. Sa katunayan, marami sa social justice provisions ng kasalukuyang konstitusyon ay hindi pa naipapatupad kagaya ng probisyon sa full employment at full protection of labor, living wage, land reform, at marami pang iba.

Ngayon kung hindi po sa aming mga batayang sektor galing ang kahilingan para sa chacha, sigurado kami na mas kilala at ramdam ninyo kung anong uri at saang kampo nagmumula ang ganitong agenda.

Hindi na kami magkokomento sa tanong kung aling pagbabago ang nais naming mangyari sa Konstitusyon dahil wala nga ito sa aming agenda ngayon. Pero tiyak darating din ang panahon – sa gugustuhin naming panahon – na kami mismo ang magtutulak nito kung kinakailangan. Sa ngayon po ay hindi.

Magbibigay lang kami ng kaunting opinyon sa lumalabas na pinakamalaking agenda ng itinutulak na chacha at ito ay tungkol sa pederalismo.

Your honors, buong-buo ang aming paniniwala na ang tunay na dahilan ng kahirapan at inekwalidad sa bansa ay hindi form of government kundi class rule. Wala kaming sapat na oras ngayon para talakayin at ipakita ito pero ramdam naman ito ng marami at ang paliwanag dito ay alam ng ating mahuhusay na propesor sa mga unibersidad. Katulad ng mga nabanggit naming problema kanina sa kontraktwalisasyon, sweldo at presyo – hindi ito maituturing na regional o territorial in nature na mga problema na nangangailangan lamang ng political reorganization ng central government at redivision of powers sa pagitan ng mga pederal na estado.

I-rereserba na lamang namin ang aming posisyon sa paksang ito batay sa aming gagawing mga pag-aaral sa mga aktwal na mga proposal na ihahapag tungkol dito. Ang tiyak naming tututulan ay kung patuloy na mamamayagpag ang mga dynasties, dayuhang kontrol sa ekonomiya, o kung ang chacha na ito ay maging daan sa pagtatatag ng isang diktadura.

Sa huling tanong kung alin ang tama, ConCon o ConAss bilang paraan ng pagbabago sa Konstitusyon. Nananatili ang aming posisyon na mas nararapat ang non-partisan ConCon o mas maganda nga sana, ang people’s initiative kung hindi lang ito ginawang impraktikal ng mismong batas.

indi kami sang-ayon sa paraang ConAss dahil naniniwala kami na ang kasalukuyang Kongreso ay siyang dapat target mismo ng kinakailangang reporma at pagbabago.

Marami salamat po!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *