Panawagan ng mga Katutubong Kababaihan

PANAWAGAN NG MGA KATUTUBONG KABABAIHAN SA
100 ARAW PANUNUNGKULAN NG PANGULONG RODRIGO DUTERTE

ISIS House, Quezon City
Ika-27 ng Setyembre, 2016

Sa nalalapit na 100 araw ng panunungkulan ng ating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kaming mga lider kababaihang katutubo mula sa mga tribong  Alangan Mangyan, Subanen, Aeta, Ifugao, Ibaloi, Iraynon-Bukidnon, Mansaka, Manobo, at Blaan ay taus-pusong nais magpaabot ng aming mga saloobin at kasing-kasing.

Sa matagal na panahon, ang aming mga lupaing ninuno ay binabagabag ng samu’t saring proyekto at problema na sumusubok sa katatagan namin bilang mga katutubong mamamayan.  Nandyan ang mga dambuhalang proyektong pagmimina, pagtotroso/IFMA, mga plantasyon, mga dam at coal fired thermal plant projects na pumapasok at umaagaw sa lupa, katubigan at yamang gubat sa loob ng aming mga katutubong teritoryo at nagdudulot ng pagpapaalis ng aming mga pamayanan.  Ang mga ito ay malaking pagsubok na lumilikha ng dibisyon sa loob ng aming mga tribo at pumipigil para aming mapagyaman ang mga yutang kabilin sa pamaraang tradisyunal at pumipigil sa aming pag-unlad bilang tribo.

Idinudulog namin sa Pangulong Duterte at umaasa na ang pangakong pagbabago ng kanyang administrasyon ay masusi at lahatang panig na tatalakayin at bibigyang pansin ang mga problema na dulot ng proyektong pangkaunlaran. Kinikilala namin ang mga positibong hakbangin ng DENR sa usapin ng pagmimina. Naryan ang suspension ng ilang mining companies sa loob ng aming yutang kabilin.  Inaasahan namin ang mas marami pang hakbangin tungo sa tuluyang pagpapaalis sa mga mapanirang minihan, at iba pang proyektong nang-aagaw ng aming lupain at likas yaman. Pero kami ay nalulungkot at nababahala sa mga pagpatay ng mga lider komunidad na nakikipaglaban sa mga mapanirang proyekto, tulad ng nangyari kay Gloria Capitan. Si Ka Gloria ay binaril sa gitna ng kanyang pakikipaglaban sa coal storage ng coal plant sa kanilang komunidad sa Bataan. Kami ay nanawagan ng katarungan sa pagpatay sa kanya. Nakikiisa kami sa pagtutol sa pagpapatuloy ng maduduming coal fired thermal power plants.

Hangad namin na mapayaman at mapayapang maisagawa ang tradisyunal na pagpapayaman ng lupa at rekurso sa loob ng mga yutang kabilin para sa kasalukuyan at susunod na mga henerasyon. Hangad din namin na kilalanin ang aming karapatan na malayang makilahok sa mga prosesong paggawa ng mga plano at desisyon.

Nais din naming ipahayag ang aming pagkalungkot, pagkabahala at lumalalim na pangamba sa nagaganap sa maraming lugar sa ating bansa, kasama na ang aming mga komunidad na dulot ng matinding kampanya laban sa droga, ang ramdam na pagbaba ng pagturing sa mga kababaihan at ang tuwirang pagsasawalang bahala sa karapatang pantao ni Presidente Duterte. 

Kinikilala namin ang problemang panglipunan na dinudulot ng paggamit at pagtutulak ng droga.  Nakita namin na napakarami na ang gumagamit o nagbebenta ng droga kahit sa mga probinsiya. Nakita din namin na maraming mga taong gobyerno na gumagamit ng droga at sila ay hindi magandang ehemplo sa ating lipunan.  Mahalaga na harapin ang problema sa droga at ang mga may katungkulan sa gobyerno na gumagamit nito ay hindi dapat magpatuloy sa kanilang pwesto.  Pero may masidhing problema na unti unting gumagapang sa aming mga komunidad – yan ay ang takot at pangamba.  Bilang mga babae, ina, asawa, kami ay binabalot araw araw, gabi-gabi ng pangamba sa maaring mangyari sa aming mga asawa, anak, at kapamilya, dulot ng kampanya sa droga at ang nakikita naming panunumbalik ng pag-aabuso ng kapangyarihan ng mga pulis, military at grupong paramilitary – bagay na naranasan namin sa panahon ng Martial Law at ayaw nang maranasan pang muli.

Nalulungkot kami para sa mga ina, asawa, anak ng higit 3,000 nang pinaslang dulot ng kampanya sa droga.  Nararamdaman namin ang sakit na kanilang nadarama at ang malaking palaisipan kung paano patuloy na itataguyod ang pamilya matapos ng trahedya,

lalo’t higit ang karamihan sa mga napatay ay mula sa mga mahihirap na pamilya. Naniniwala kami, at naninindigan, na ang pagpatay ay hindi solusyon sa problemang ito. Hinihikayat namin ang ating pamahalaan sa pangununa ng Pangulo na maghanap ng iba pang mga paraan kung paano natin mapagtutulungan na magkaroon ng mas makatao at mas mapagkalingang pamamaraan ng pagharap sa problema ng droga.

Sa aming kaalaman, napapasok sa bisyo ng droga ang ilan dahil sa kawalan ng trabaho at kabuhayan.  Kung malawak ang kampanya para sa trabaho at kabuhayan, marami sa kanila ang hindi na papasok sa ganyang gawain sa droga.  Sinusubukan na namin itong simulan sa mga boluntaryong nag-surrender sa aming mga komunidad.

Hinihikayat namin ang pamahalaan na ikampanya sa kapulisan at sa militar na magsagawa ng masusing pagsisiyasat o imbestigasyon bago magkaroon ng kampanya ng pag-aaresto, isampa ang karampatang kaso at ikulong kung kinakailangan.  Nangangamba kami sa inaasta ng ilang kapulisan, militar at para-military.  Sa ngayon nakakaranas na ang ilang katutubo ng mga pangingikil mula sa mga kapulisan.  Ang problema ng “tanim-bala” sa mga airport po ay nalipat na sa mga komunidad at napalitan ng “tanim-shabu”.  Kinikikilan ng mula P50,000 hanggang P200,000 ang ilang miyembro ng komunidad dahil nakitaan ng durog na tawas sa bahay.   Nakakapagtaka na ang bilis ng pagkakuha ng mga “warrant of arrest” ng mga kapulisan sa ilang komunidad, na siyang ginagamit upang pasukin ang ilang kabahayan.  Nakakapagtaka din na ang ilang kilalang mayaman na pamilya at politiko na kilalang nagbebenta o nakikinabang sa droga ay patuloy na hindi hinuhuli at wala sa watch list.   Karamihan ng mga nasa listahan ay mga mahihirap.

Nanawagan rin kami sa Presidente na itigil ang panghihikayat sa mga kapulisan, militar at mga sibilyan na ipagpatuloy ang walang habas na pagpatay. Kailangang papanagutin ang mga kapulisang lumabag sa proseso at nang-abuso ng kanilang awtoridad.

Samantala, sunod-sunod pa rin ang pagpatay sa aming mga kasamang katutubo sa gitna ng mainit na kaguluhan sa usaping lupa. Higit na sa labing dalawa ang napatay na katutubo, kasama ang 4 taong gulang na batang lalaki, mula ng buwan ng Hulyo 2016. Lumalawak at tumitindi ang karahasan sa amin sa kanayunan.

Nangingilabot  kami para sa aming mga kababaihan dulot ng sunud-sunod na naririnig namin na mga pananalita ng Presidente Duterte na ireregalo ang mga babae sa mga sundalo at pulis na makakahuli o mapapalaban sa paghuli ng mga nag dodroga at mga terorista.  Ibinabalik nito ang  naranasan ng maraming kababaihan na inabuso noong panahon ng Martial Law, at patuloy sa ilalim ng mga operasyon ng  military at ibang mga armadong grupo na pumapasok sa aming mga komunidad.  Kinakatakot namin ang mga “pangako” na ito sa pulis at militar dahil ang mensahe na pinapaabot sa kanila ay lalong nagtutulak sa mababang pagtingin sa amin bilang kababaihan. Ang ganitong mga salita ay naghihikayat ng pagpapatindi ng diskriminasyon at pang-aabuso sa kababaihan.  Mariin naming pinapanawagan sa pamahalaan, sa mga pulis, sa mga militar at ang mga grupong paramilitary na gampanan ang sinumpaang tungkulin na pagsilbihan at ipagtanggol ang mga karapatan ng mga mamamayan – kasama na dito ang paggalang sa mga karapatan ng kababaihan bilang kapantay at katuwang ng mga kalalakihan.

Bilang bahagi ng mga komunidad na nakaranas ng karahasan sa ilalim ng batas militar, kami ay nananawaganna huwag ituloy ang plano ng Presidenteng Duterte na ilibing si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Hindi kailan man maituturing na bayani ang taong nang-abuso ng kanyang pwesto sa pamahalaan, nagnakaw ng milyong-milyong pera ng bayan, at naging dahilan ng pagkakulong, pagkawala at pagkamatay ng mga taong naging kritikal sa pamahalaan.  Marami sa amin sa hanay ng mga katutubo ang kabilang sa mga libo-libong Pilipino na nakaranas ng matinding pasakit sa panahon ni Marcos. Huwag nating burahin ang madilim at malagim na bahaging ito ng ating kasaysayan. Dahil ito ang magpapa-alala sa atin ng mga naipaglaban nating mga kalayaan at karapatan, na ngayon higit kailan man ay kailangang bantayan at patuloy naipaglaban.

Marami ang aming mga problema – ang kaseguruhan ng aming pagkain, ang mga banta ng pag-agaw ng mga kompanya sa aming lupain, ang di ganap na pagkilala sa aming karapatan bilang mga katutubo, at kababaihan. Kaya habang kami ay nagpupursigi na nagpapalakas ng aming komunidad, at nagtutulak ng aming karapatan, kami ay naki-kiisa sa dumaraming boses na nananawagan ng mga sumusunod –

ITIGIL NA ANG PATAYAN! Walang idudulot ang karahasan sa lipunan kundi ang pagpapatindi ng karahasan. Bigyang solusyon ang problema ng droga na mas matagalan at mas makatao.

HINDI BAYANI SI MARCOS. Itigil ang pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

ITAGUYOD ANG DIGNIDAD NG MGA KABABAIHAN. IGALANG ANG KARAPATAN NG MGA KABABAIHAN. Huwag gawing katawa-tawa, o ituring na bagay na pwedeng pang-regalo.

ISULONG ANG KARAPATAN NG MGA KATUTUBONG KABABAIHAN na maging malaya sa lahat ng porma ng diskriminasyon, at karahasan.

Pirmado nina:

Wilma Mangilay (Subanen / Kesalabukan TUPUSUMI)
Carmen Ananayo (Ifugao / DESAMA)
Judith Maranes (Ibaloi / BALC-RAT)
Mary Ann Fortun (Iraynon-Bukidnon / AKTIB)
Robina S. Poblador (Blaan / Dad Bae Di Klawil)
Teresa dela Cruz (Aeta / MAO – KASAMA)
Nilda Mangilay (Subanen / TDS)
Bidi Balatak (Manobo – Sultan Kudarat)
Doy Jumbo (Manobo – Sultan Kudarat)
Angeline Ortiz (Mansaka – SILDAP)

LILAK (Purple Action for Indigenous Women’s Rights)

Comments are closed