Liham Pastoral Ng Kapulungan Ng Mga Obispo Ng Pilipinas (Salin sa Filipino)
“Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa Kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos.” (Mat 5:9)
Minamahal naming mga kapatid kay Kristo, hindi ba‘t lahat tayo’y naghahangad ng biyayang maging mga anak ng Diyos? Kung gayon nga, dapat nating laging pagsumikapan ang maging daan ng kapayapaan sa mga panahong ito ng pagkabalisa sa ating bansa.
Kapayapaan: Ang Ating Pangkalahatang Bokasyon At Misyon
Sa mga panahong ito ng kadiliman at karahasan, panahon ng halos araw-araw na patayan, panahon ng palitan ng mga panlalait at masasakit na salita lalo na sa “social media,” nananawagan kami sa mga mananampalataya na manatiling tapat sa ating pinag-isang bokasyon at misyon na maging masigasig na tagapamagitan ng kapayapaan.
Ngunit huwag tayong magkamali ng pag-unawa dito; di ba’t sinabi ng ating Panginoon, “Kapayapaan ko ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng mundo ang ibinibigay ko sa inyo” (Juan 14:27). Ang kapayapaan para sa kanya ay hindi pakikikutsaba o pagsuko sa kasamaan; hindi rin ito tungkol sa kawalan ng hidwaan at kaguluhan.
Walang makapagdudulot sa atin ng kapanatagan ng loob sa mga panahong ito ng pagsubok kundi ang tahimik na pagkilala sa Kanya na nangakong kasama natin siyang lagi, “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot!” (Mat. 14:27).
Ang Halaga ng Pagpapatotoo kay Kristo
Ano ang bago tungkol sa mga paring pinapaslang dahil sa kanilang pagpapatotoo kay Kristo? Ano ang bago tungkol sa mga propeta ng ating panahon na pinatatahimik ng mga traydor na bala ng mga mamamatay-tao? Ano ang bago tungkol sa mga pinunong-lingkod na nilalait dahil sa pagtataguyod nila ng kanilang tungkulin bilang mga pastol na sumusunod sa huwaran ng kanilang Punong Pastol? Nakalimutan na ba ninyo na “ang dugo ng mga martir ay binhi ng mga Kristiyano?” (Tertullian) Ito ang nagpanatiling-buhay sa Simbahan sa nakaraang dalawang-libong taon. Kaya huwag matakot! Hindi ba sinabi ng ating Panginoon, “Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno.” (Mat. 10:28).
Hindi na bago sa atin ang hamakin at tuligsain. At anong sinasabi ng Panginoon sa kanyang mga alagad kapag sila’y tinutuligsa at hinahamak ng dahil sa kanya? Sinasabi niyang “Magsaya kayo at magalak” (Mat. 5:12). Ito rin ang mga pananalitang ginamit ng ating Papa Francisco sa panimula ng kanyang Apostolic Exhortation “Gaudete et Exsultate”. Ito ang pananalita ng ating Panginoon sa mga tinutuligsa at hinahamak alang-alang sa kanya. Paano tayo tinuturuang harapin ang mga pagtuligsa sa atin? Pakinggan natin ang sinabi ni Apostol San Pablo, “Inaalipusta kami at nagsasalita naman kami nang maayos; inuusig kami at kami nama’y nagtitiis. Kapag sinisiraan, kami’y nakikipag-ayos” (1 Cor. 4:12-13).
At paano natin haharapin ang pagkakahati-hati natin? Paano natin pakikisamahan ang kapwa nating “Kristiyano” na walang nakikitang masama sa pagpatay, na tumatawa na lamang sa tuwing ang Diyos ay nilalapastangan, at nakikiisa sa pagkakalat ng fake news o maling balita? Laging mayroong ilan sa atin na bagama’t nagpapahayag ng kanilang pananampalataya kay Kristo ay nagagawa pa ring magpalinlang sa mga hungkag na mga pangako ni Satanas. Naaalala ba natin ang nagkanulo kay Hesus sa halagang tatlumpung pirasong pilak sapagkat hinayaan n’ya ang kanyang sarili na magpagamit kay Satanas? Tama si San Pablo nang kanyang sabihing, “Kailangan pa palang magkaroon ng mga pangkat sa inyo upang makilala ang mga tunay at subok na sa inyo” (ESV 1 Cor. 11:19).
Ang Pagdurusa ng mga Mahihirap
Walang sinabi ang ating mga pinagdaraanan sa mga pagdurusa bilang mga lider ng Simbahan kumpara sa pagdurusa ng mga dukha sa ating bansa. Hindi ba tayo nagdurusa kapag ang mga iskwater ay ikinukulong sa simpleng dahilan ng pag-iistambay? Hindi ba tayo nagdurusa kapag ang tingin sa mga adik ay “hindi tao”, at ang kanilang adiksyon ay itinuturing kaagad bilang krimen kapag ang kanilang pangalan ay napasama sa kinatatakutang “drug watch lists”? Hindi ba nararapat natin silang tingnan bilang mga maysakit na pinahihirapan ng kanilang karamdaman? Hindi ba dapata natin silang tingnan na mga biktima na nangangailangan ng tulong? Magsasawalang-kibo na lamang ba tayo sa tuwing may mga taong pinapatay at itinatapong parang basura na lamang? Hindi ba natin naiisip na sa bawat pinapatay na pinaghihinalaang gumagamit ng droga, mayroong asawang nababalo at mayroong mga anak na nauulila – na hindi man lamang mabigyan ng maayos na burol at libing ang kanilang mahal sa buhay? Continue reading






By: Solita Collas-Monsod – @inquirerdotnet
