Pahayag Ng #TindigPilipinas sa Nation’s Address ni Duterte Ngayong Araw.

CNN photo

TindigPilipinas umaasa na hindi sirang plaka si Duterte sa kanyang nation’s address, aakuin ang responsibilidad sa mga krisis ng bansa at tatantanan ang walang basehang paninisi sa oposisyon, at titigilan ang power trip sa mga demokratikong institusyon ng bansa.

Basahin ang buong pahayag dito:

Kaisa ang #TindigPilipinas sa pag-aabang sa unang address to the nation ni Duterte na gaganapin, anya, sa Setyembre 11, 2018. Matapos ang ilang linggong pananahimik sa gitna ng pagtitiis ng mga ordinaryong Pilipino sa mga krisis na dala ng bukbok na paggugubyerno ng administrasyong ito, oras nang magpaliwanag siya sa bayan.

Huli man at may pagmamagaling, inaasahan ng taumbayan na ang totoong solusyon sa inflation, sa presyo ng bigas at sa krisis sa pagkain ang siyang maririnig natin mula sa administrasyon.

Umaasa ang #TindigPilipinas na hindi aaksayahin ni Duterte ang ating oras para makinig kung paano siya maghuhugas kamay at isisisi sa oposisyon ang lumalalang lagay ng ekonomiya ng bansa.

Nakakapagod ang makinig sa gamit na gamit, lumang luma, at paulit-ulit na tugtugin. Tila sirang plaka ang mga akusasyon ng destabilisasyon at ang tuluyang palusot na ang oposisyon ang siyang dahilan kung bakit hindi nalulutas ang problema ng bansa. Wala sa oposisyon ang kapangyarihan na ayusin ang pamamalakad ng gobierno. Hindi ang oposisyon ang gumawa ng krisis sa ekonomiya. Bagkus alam natin na ang mga best and brightest ng administrasyon, na siyang dapat magbigay solusyon, ay mga bukbok at bugok naman pala.

Panawagan ng #TindigPilipinas kay Duterte: solusyon sa inflation, mga oposisyon tantanan.

May option na binigay ang opposition: ayusin ang NFA, i-stabilize ang presyuhan ng bigas, suspension ng excise tax at expansion ng mga social assistance sa mga mahihirap at nagdarahop.

Tuparin niya ang kanyang mga pangako at ang kanyang mga tungkulin sa halip ng pagka-abalahan ang paghahabol sa lider ng oposisyon. Dinadagdagan lang niya ang gulo. Tigilan na ang mga kabulastugan tulad ng pagbawi ng amnestiya, pagsasampa ng kaso sa mga korteng sibilyan at militar, at pagpapakalat ng peke at maling balita ng kutsabahan ng lahat ng kulay ng oposisyon para patalsikin siya sa puwesto at pabagsakin ang gubyerno.

Kung ang address to the nation ni Duterte ay isa na namang power trip laban sa oposisyon, isang pagkakataon para magpakawala sa kanyang die hard supporters, at para ideklara ang panibagong pambababoy sa ating demokrasya, nananawagan ang #TindigPilipinas na sama-sama tayong manindigan, tutulan at labanan ito. Hindi ito at pagbabago, isa itong panggagago, at obligasyon nating manindigan para sa Inang Bayan.

Huwag nating hayaan si Duterte na guluhin pa lalo ang ating lipunan. Huwag natin siyang payagan na gumawa ng bagong hidwaan upang maiwasan ang kanyang mga pananagutan. Huwag tayong pumayag na mauwi sa awayan sa panahon na dapat tayong magkaisa upang harapin ang krisis.

Huwag tayo magpagamit pa sa manipulasyon ng isang taong isasakripisyo ang ating pakikipagkapwa para lamang manatili siya sa kapangyarihan.

Comments are closed.