United People’s SONA 2019 | SONA ng Nagkakaisang Bayan 2019

Sobra na! Tama na! Ipaglaban ang kabuhayan, soberanya, at demokrasya! Ating Panawagan: Ipaglaban ang Pilipinas!

Taun-taon, isinasagawa ang State of the Nation Address (SONA) bilang hudyat ng pagbubukas ng regular na sesyon ng Kongreso. Ayon sa Article VII, Section 23 ng 1987 Constitution, obligasyon ng Pangulo na i-ulat ang kalagayan ng bansa, ilahad ang plano o adyenda para sa susunod na taon, at magmungkahi ang mga panukalang batas na dapat bigyang prayoridad.

Sa ika-22 ng Hulyo 2010 (Lunes) ang ikatlong SONA ni Pang. Rodrigo Duterte. Bubuksan ang ika-18 Kongreso kung saan uupo na ang mga bagong halal na mga Senador at Kongresista.

Ang ipinagmamalaki ng administrasyon: magiging “hopeful” at masaya ang SONA 2019. Pero aasa pa ba tayo sa isang makatotohanang ulat pagkatapos ng isang taon na palasak sa fake news, disinformation, lantarang kasinungalingan, pagyayabang, pagtatakip sa katotohanan, at pagyurak sa karapatan at kagalingan ng mamamayan?

Nagkakaisa tayo para sa soberanya, kabuhayan at demokrasya! Bilang tugon sa pekeng SONA ng Palasyo, isinasagawa ng hanay ng malawak na sektor ng mamamayang Pilipino ang isang alternatibong ulat at programa: ang United People’s SONA 2019. Ito ay binubuo ng mga indibidwal, sektor, grupo o organisasyon, at mga personalidad na naghahangad ng tunay at makabuluhang pagbabago at bukas sa lahat na naniniwalang dapat ipaglaban ang Pilipinas.

Dagat ng Pagkakaisa at Protesta 

Tampok na usapin ngayon ang iskandalosong pagsuko ng Malacañang sa West Philippine Sea.

Hayagang paglabag sa Saligang Batas ang tindig at pahayag ng Palasyo na hindi nito kayang igiit ang karapatan sa Exclusive Economic Zone (EEZ) at pagbawalan ang mga mangingisdang Tsino na galugarin ang ating sariling karagatan.

Ang pangkalahatang panawagan ng United People’s SONA ay ang paglaban para sa ating kabuhayan, soberanya, at demokrasya. Bitbit ang panawagang #AtinAngPinas, mag-aanyong dagat ng pagkakaisa at protesta ang kahabaan ng Commonwealth sa mismong araw ng SONA.

Asul: Kulay ng Dagat, Kulay ng Soberanya

Ang tema ng United People’s SONA 2019 ay ang asul bilang kulay hindi lamang ng dagat at langit kundi ng soberanya, kalayaan, at kasarinlan.

Iikot ang protesta sa tema at motif ng isda at lamang-dagat: simbolo ng maraming usapin katulad ng pagtatanggol sa karagatan, kalikasan, wika at panitikan, kabuhayan, at iba pa.

Ang lahat ng indibidwal, sektor, grupo, o organisasyon na dadalo ay hinihikayat na gumawa at magbitbit ng mga malikhaing panawagan o magsuot ng costume batay sa tema at inyong interpretasyon nito. Maaari ring gumawa ng mga porma katulad ng placards, headdress, banners, floats, o effigy ang mga kalahok.

Mga Panuntunan

Ang United People’s SONA 2019 ay bunga ng pagsisikap ng lahat ng indibidwal, sektor, grupo o organisasyon. Tayo ay nasa iisang bangka para ito ay maisakatuparan ng mahusay at matiwasay. Narito ang ilang mga paalala para sa lahat ng kalahok:

1. Ang pagiging magalang at mahinahon ay inaasahan sa bawat indibidwal at grupo kaya nararapat na makinig sa sasabihin at ipapakita ng mga kapwa kalahok.

2. Maging handa para sa araw na ito. Magdala ng payong, tubig, extrang damit at tuwalya, gamot, at iba pang gamit na kinakailangan sa maghapong martsa at akibidad. Hinihikayat ang bawat dadalo na magdala ng inyong malikhg aing plakards, props, o costume.

3. Tiyaking walang maiiwang kalat o basura sa kahabaan ng Commonwealth pagkatapos ng aktibidad. Magdala ng sariling trash bag at huwag magkalat ng basura.

4. Maging disiplinado. Bahagi ng ating responsibilidad ang pantailihing maayos at organisado ang ating hanay. Makinig sa mga tagubilin ng event marshalls na naroon upang mapanatili ang seguridad sa aktibidad.

Comments are closed.