Laiko Statement of Support for the Filipino Youth

Sa umagang ito gusto kong ipahayag ang tiwala at paninindigan ng mga Laiko para sa ating mga kabataan! Ang kanilang ipinaglalaban sa kasalukuyan ay isang malinaw na pangarap  para sa kanilang kinabukasan! Ang kanilang adhikain na labanang muli ang diktadura ay kahalintulad noong mga dekadang nanahimik ang mamayang Pilipino sa mapaniil at mapanlinlang na batas militar sa ating bansa!

Tulad noon ang mga kabataan ay gising at nilalayong ibalik ang demokrasya!

Tulad noon sila ang nanguna para iparating ang mga pagsupil at pagpatay sa mga taong nagpapahayag- o pinaghihinalaan pa lamang- ng pagsalungat sa kagustuhan ng isang diktador! Isang gahaman at nagpasasa sa kapangyarihan.

Tulad noon ang mga kabataan ang nanguna upang pukawin ang damdamin nating tulog o nagtutulog-tulugan sa mga pagmamalabis ng mga nasa kapangyarihan!

Alam nating lahat ang mga pagtahi-tahi ng kasinungalingan at pananakot sa sinumang gustong ituwid ang mali! Mabilis ang gubyernong itong kumikilos upang pagtakpan ang palpak na gawi sapagkat maraming bayaran susmusunod sa kumpas ng salapi! Salapi mula sa bulsa ng mamayan pinipiga sa kahirapan noon pa man at sa ngayon!

Maari pong itama ang kamaliang pinalalaganap ngayon. Bagama’t ang pagpapahayag ng katotohanan ay sinusupil.

Bagama’t ikinukulong sa bilangguan  at pinapaslang ang sinumang salungat sa patakarang isalaula ang batas.

Samantala, ang mga lumabag sa batas ay pinawawalang sala. Kapalit kaya nito ang salaping  pinambayad sa kalayaan?

Buking na buking na pero todo tanggi pa rin at pilit itinuturo ang walang katapusang bintang sa mga dilawan! Kitang kita ang paghanap ng mga taong nagpapagamit upang mapagbintangan ang mga tumatayo sa katwiran at katotohanan!

Panahon na ngayon ng mga kabataan para maging halimbawa upang labanan ang mga taong nagpapagamit sa kasinungalingan!

Kitang kita sa kabataan ang kanilang prinsipyo at pagigiging makatao! Matatag ang kanilang paninindigan at saludo kami sa lahat ng kanilang pinaglalaban at pinapahayag! Sa lahat ng kabataan,  nasa inyo ang aming gabay ang aming pag-asa at paniniwalang mapagtatagumpayan natin ang ating mga pangarap na muling manaig  ang kalayaan at demokrasya, makataong pamamahala at maka Diyos na lipunan! Ipagdarasal namin ang inyong katatagan at tagumpay kabataan! Ang laban ninyo ay laban ng Laiko.

MARIA JULIETA F. WASAN
President
Sangguniang Laiko ng Pilipinas

Comments are closed.