Liham Pastoral Kaugnay sa Layuning Pagsasabatas ng Parusang Bitay

Liham Pastoral
ng Lubhang Kagalang-galang Roberto C. Mallari, D.D.,
Obispo ng San Jose, Nueva Ecija

Pinakamamahal kong mga kapatid na pari, mga relihiyoso at relihiyosa, mga lider-layko, mga mambabatas at sa inyong lahat na mga kapatid sa pananampalataya na bumubuo sa sambayanan ng Diyos sa Diyosesis ng San Jose, Nueva Ecija:

Hindi po lingid sa ating lahat ang mga karahasang nababalitaan natin sa ating lipunan bunga ng pagpaslang sa mga sangkot sa ipinagbabawal na gamot. Maraming mga ulat na may mga inosenteng napapabilang sa mga pinapaslang. Kamakailan ay nagpalabas ako ng isang liham pastoral tungkol sa usaping ito upang bigyang diin ang dangal ng buhay.

Nakalulungkot isipin na kung kailan nalalapit na ang pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon kung saan ating ipinagbubunyi ang buhay at pag-asang hatid ng Pagsilang ng Manunubos ay isa na namang usapin ang bumabagabag sa bansa. Mayroon ngayong malawakang kampanya upang maisabatas muli ang death penalty o parusang bitay. Dahil dito, ibig kong hikayatin ang lahat na sikaping makiisa upang pigilan sa abot ng ating magagawa ang pagtangkilik sa ganitong pamamaraan ng pagsugpo sa krimen. Nagpalabas ang CBCP ng Ethical Guidelines tungkol sa usaping ito. Nais kong ihayag at bigyang diin ang nilalaman nito laban sa pagsasabatas ng death penalty. Tingnan natin ito sa tatlong pananaw- 1) pananaw na moral, 2) pananaw na legal at 3) pananaw na Kristiyano.

Pananaw na Moral

Ang bawat tao ay nagtataglay ng di-mapapantayang halaga ng buhay na nagmula sa Diyos. Ito ang isinasaad sa aklat ng Genesis, “ Nilikha ng Diyos ang tao mula sa alabok, hiningahan sa ilong at nagkaroon ng buhay” (Gn.2:7). Itong biyaya ng Diyos ng buhay – ang hiningang mula sa Diyos, dakila at walang kapantay – ang ipinagkakait ng parusang kamatayan.

Sa bawat tao, binuksan ni Hesukristong Tagapagligtas, ang paanyaya tungo sa ganap na buhay. Ang bawat tao ay tinubos ng bugtong na Anak ng Diyos, upang maging mga inampong mga anak ng Diyos at tagapagmana ng pangako ng Muling Pagkabuhay. Ito ang dangal ng bawat tao. Ito ang dangal na isinasaisantabi ng parusang bitay.

Sa maraming siglong nagdaan, ang parusang bitay ay di maitatangging sinang-ayunan at ipinatupad maging ng Simbahan. Gayunman, sa paglipas ng panahon, ang ating pang-unawa ay umuunlad at natututo tayong higit na maging makatao sa ating pag-uugali ayon sa dangal na tinanggap natin. Ang ating pang-unawang-moral ay unti-unti ring umuunlad. Hindi na natin maaaring gamiting sukatan ang mga nakaraan upang bigyang katarungan ang kasalukuyan. Ang kalagayan at sitwasyon noon at sa kasalukuyan ay may malaking pagkaka-iba. Ang pang-unawa at kaalaaman noon at sa kasalukuyan ay may malaki ring pagkaka-iba. Kabilang sa pag-unlad ng sibilisasyon ay ang hamong umunlad din sa pamantayang moral lalo na sa larangan ng pagpipitagan sa dangal ng bawat tao.

Ayon kay San Juan Pablo II: “Isang tanda ng pag-asa ang pag-angat ng pagkilala na ang dangal ng buhay ng tao ay di dapat ipagkait, kahit sa isang taong nakagawa ng mabigat na kasamaan. Ang makabagong lipunan ay may mga paraan upang mapangalagaan ang sarili, na hindi tahasang pinagkakaitan ang mga pusakal ng pagkakataong magbago. Muli kong pinapagpanibago ang aking paki-usap noong Pasko para sa malawakang pagkakaisa na wakasan ang parusang bitay na marahas at di-kailangan.” (Pope John Paul II, January 27, 1999).

Sa talumpati ni Papa Francisco kaugnay sa parusang kamatayan noong Hunyo 23, 2016 sa Ensemble Contre la Peine de Mort at sa World Coalition Against Death Penalty, kanyang ipinahayag: “Ito ay isang paglabag sa kabanalan ng buhay at dangal ng pagkatao. Ito rin ay sumasalungat sa plano ng Diyos para sa tao at sa lipunan, at sa kanyang mahabaging katarungan. Gayundin, hindi ito umaayon sa anumang makatarungang layunin ng parusa. Hindi dapat kaligtaan na ang kabanalan at kaloob ng Diyos na karapatang mabuhay ay para rin sa mga kriminal.”

Napapanahon nang wakasan ang matandang paniwalang ang taong nakagawa ng mabigat na kasamaan ay “dapat pagkaitan ng karapatang mabuhay”. Walang sinumang makapagkakait ng karapatang mabuhay, sapagkat walang may malayang karapatang isakatuparan ito, maging ng estado.

Pananaw na Legal

Ang Pilipinas ay may legal na obligasyong di-ibalik ang parusang kamatayan. Ito’y obligasyong ipinataw ng batas na tinangggap ng bansa ng pagtibayin ng pamahalaan ang Second Optional Protocol to the Covenant on Civil and Political Rights. Malinaw na nakasaad sa Artikulo 1 ang mga sumusunod na obligasyong legal:

Una, “Walang sinuman na kabilang sa nasasakupan ng partido ng estado hangang sa kasalukuyang protokol ang bibitayin.”

Pangalawa, “Bawat partido ng estado ay gagampanan ang lahat ng kinakailangang hakbang upang alisin ang parusang kamatayan sa loob ng kanyang nasasakupan.”

Hindi naaayon sa pinakamabuting kapakinabangan para sa bansa na isasangtabi ang mga pandaigdigang kasunduang katulad nito. Ang ating bansa, maging sa ibang aspeto ng kanyang pag-iral ay naghahanap ng kanlungan at legal na ginhawa sa ilalim ng mga panukala ng pandaigdigang batas at mga pandaigdigang kasunduan.

Noong Disyembre 21, 2010, ang Pangkalahatang Kapulungan ng United Nations kung saan ang Pilipinas ay isa sa mga miyembrong bansa, ay tinanggap ang Resolution No.65-206. Bahagi ng resolusyong ito ay nagsasaad ng ganito:

  1. Isinasaisip na anumang pagkakamali o kabiguan ng hustisya sa pagsasakatuparan ng parusang bitay ay hindi na maisasaayos o maipanunumbalik
  2. Naniniwala na ang moratoryum sa paggamit ng parusang bitay ay umaambag sa paggalang sa dangal ng tao at sa pagpapabuti at unti-unting pag-unlad ng karapatang pantao at isinasaalang-alang na walang sapat na katibayan sa pumipigil na halaga ng parusang kamatayan.
  3. Tinatawag ang mga estado na magsagawa ng moratoryum sa pagbitay na may pananaw na tuluyang wawakasan na ang parusang kamatayan.
  4. Tinatawag ang mga estado na nag-alis na ng parusang bitay na huwag na itong muling buhayin.

Sa ating bansa, isinasaad sa R.A. 9346 ang tuluyang pagwawakas sa parusang bitay na pinapalitan ng habang buhay na pagkabilanggo para sa mga nakagawa ng mabigat na krimen. 

Pananaw na Kristiyano

Walang anumang inihahayag sa Ebanghelyo na nagbibigay ng karapatang tatakan ang sinuman nang “di na maaaring mailigtas” at karapat-dapat nang bitayin. Ang Ebanghelyo ay Mabuting Balita ng kaligtasan – walang sinumang tao, kriminal man ito o matuwid ang hindi kayang abutin ng habag ng Diyos.

Kapag ang estado ay pumapatay sa pangalan ng katarungan, ipinapahayag nitong ang bibitayin ay walang karapatang mabuhay, hindi karapat-dapat sa pangunahing karapatang mabuhay, at walang anumang mabuting katangian na maaaaring makapagligtas sa kanya.

Ito ay pagpapahayag ng kawalan ng pananampalataya, ng kawalan ng pag-asa at higit sa lahat ng kawalan ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Ang Ebanghelyo, kung saan tayong lahat ay nabubuhay at kung saan tayong lahat ay nakatatagpo ng pag-asa, ay nagpapahayag ng hindi masusukat na halaga ng buhay at ng di-napapawing pag-ibig at habag ng Diyos na palagiang nagpapanibago, kahit na para bang wala ng posibleng magbago.

Bukod sa matinding dalamhating nararanasan ng bibitayin habang hinihintay ang oras ng kamatayan, naroon din ang malupit na karanasang pinagdaraanan ng mga miyembro ng kanyang pamilya sa malungkot na trahedyang daranasin ng kanilang mahal sa buhay. Kabilang na sa pagdurusa ng pamilya ang kahihiyan na daranasin ng mga anak ng bibitayin, na habang buhay nilang papasanin ang sugat na dala ng pagiging mga anak ng isang kriminal. Itoý isang parusang ipapataw sa mga anak na higit pa sa parusang dinanas ng magulang bunga ng krimen.

Tandaan natin na kailanman ay hindi napatunayan na ang pagpaparusa ng kamatayan sa isang nilalang ay naging balakid sa patuloy na pagsasagawa ng krimen. Hindi ito sagot upang bumaba ang antas ng kriminalidad sa kahit saang bansa.

Hamon

Kapag ang estado ay pumapatay, ito ay walang pinag-iba sa mga kriminal na pumapatay sapagkat parehong karahasan ang nakasangkot, at parehong bunga ang idinudulot: ang pagkawala ng buhay at ang paglabag sa di-matatawarang halaga at dangal nito.

Hindi kamatayan kundi ang pagpapanumbalik ng nabiktima, nambiktima at ng lipunan tungo sa ganap, makatao, nagpapakatao at makatarungang ugnayan. Ito ang positibong pagtanaw sa katarungan.

Dahil dito:

  1. Hinhiling namin sa mga Katolikong mambabatas na huwag suportahan ang anumang pagtatangkang ipanumbalik ang parusang kamatayan.
  2. Nananawagan kami sa lahat ng mga Katolikong dalubhasa sa batas na pag-aralan ang paksa at salungatin sa tamang pamamaraan ng paghatol ang pagpapanumbalik ng parusang kamatayan.
  3. Sumasamo kami sa mga Katolikong hukom na pakinggan ang turo ng Simbahan at pahalagahan at tangkilikin ang anumang maaaring magpabawas o magpahina para hindi maisabatas ang parusang kamatayan.

Nagsusumamo kami sa patron ng mga mambabatas, Sto. Tomas Moore, na kahanga-hangang pinag-isa ang kanyang makalupa at makalangit na tungkulin. Isang matalinong abogado, mananalumpati at politiko, na naglingkod sa hari at bansa nang may katapatan. Gayunman, hindi niya itinaya ang kanyang prinsipyo at handang humarap kahit sa kamatayan para sa katotohanan. Ang kanyang huling salita ay “Ako ay mabuting lingkod ng Hari, subalit, una ang Diyos.” Nawa’y ang bawat Katolikong mambabatas ay mapukaw ng kanyang halimbawa ng katapangan at kasama ang buong Simbahan, matatag na sumalungat sa pagsasabatas ng parusang bitay. Aming panalangin na mapagtanto natin na ang mundo ay iniligtas ng walang hanggang habag ng Diyos at sa pamamagitan ng habag, napapatawad natin ang pagkakamali ng isa’t isa sa pagkaka-unawang tayo rin ay nangangailangan ng pagpapatawad.

Naniniwala ako na kaisa natin sa panawagang ito ang napakaraming mga martir na humarap sa parusang bitay nang walang sala, si San Juan Bautista, ang mga apostol at saligan ng Simbahan at ang mga napakaraming Kristiyanong naparusahan ng bitay kahit walang kasalanan.

Ang ating Panginoong Hesukristo na alam nating lahat na dumanas ng kamatayan sa kamay ng estado, hindi sa pamamagitan ng silya elektrika o ng lubid o ng lethal injection o ng firing squad kundi sa pamamagitan ng pagpapako sa krus kasama ng mga kriminal. Pagmasdan natin siyang nakabayubay sa krus, biktima ng parusang bitay at isamo natin sa Diyos sa tulong ng ating nagdurusang inang si Maria, na liwanagan ang puso at isip ng mga mambabatas at Pangulo ng ating bansa upang mapangalagaan at maisulong ang dangal at kabanalan ng buhay.

Ipinagkaloob sa tanggapan ng Obispo, Katedral ni San Jose, Manggagawa, Lungsod ng San Jose, Nueva Ecija ngayong ika-18 ng Disyembre 2016.

+ Roberto C. Mallari, D.D. 
Obispo ng San Jose, Nueva Ecija

Comments are closed