Pahayag Ng Pagkondena Sa Pagpatay Kay Ka Elmer Rama, Lider Magsasaka Mula Sa Sariaya, Quezon

July 10, 2017

Mariing kinokondena ng Focus on the Global South ang walang habas na pagpaslang kay Gaudencio “Ka Elmer” Rama, lider magsasaka mula sa Sariaya, Quezon noong nakaraang Martes, ika-apat ng Hulyo, 2017. Si Ka Elmer ang pangulo ng Samahan ng Malayang Pamumuhay (SAMAPA), isang organisasyon ng maliliit na magsasakang lumalaban para maipaisara ang RNT Poultry Farm sa Sariaya dahil sa panganib na idinudulot ng operasyon nito sa kalusugan ng mga residente at pinsala nito sa kapaligiran. Noon pa man ay nakatatanggap na ng banta sa buhay si Ka Elmer at iba pang mga lider ng SAMAPA mula sa mga di-kilalang tao, para i-atras ang mga reklamo nila laban sa RNT.

Si Ka Elmer ay binaril ng mga di kilalang lalaki habang nakasakay sa kaniyang motorsiklo sa pagitan ng 8:30-9:00am sa Sariaya. Tig-isang tama ng bala sa ulo at sa dibdib ang kaniyang ikinamatay.

Si Ka Elmer ang pinakabagong biktima ng mga pagpatay sa kanayunan. Isa itong malinaw na paghahasik ng takot upang patahimikin ang mga magsasakang patuloy na nakikipaglaban para sa kanilang karapatang linangin ang kanilang mga sakahan, para sa repormang agraryo at upang makapamuhay ng matiwasay. Sumasalamin din ito sa kakulangan ng kapasidad ng pamahalaan na proteksiyunan ang mga maliliit na magsasaka laban sa iba’t ibang uri ng karahasan, sa patuloy na paglabag sa kanilang karapatang pantao at sa kawalan ng hustisya para sa mga mahihirap.

Kaisa kami ng mga organisasyon at grupong nanawagan ng katarungan para kay Ka Elmer at sa kanyang mga naulila. Nanawagan kami sa pamahalaan- lokal at nasyunal, sa kapulisan, sa Commission on Human Rights at sa mga kinauukalan upang agarang imbestigahan ang pagpaslang kay Ka Elmer at panagutin ang mga may sala at nasa likod ng karumal-dumal na krimen na ito.

Panahon na para itigil ang karahasan at walang habas na pagpaslang sa mga magsasaka at mahihirap!

Lubos din kaming nakikiramay sa kaniyang mga naiwang mahal sa buhay.#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *