Ipagtanggol ang kasal at pamilya at itaguyod ang kaganapan ng buhay.

Pahayag ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas Tungkol sa House Bill 6027
“An Act Providing for Grounds for The Dissolution of a Marriage”

Ang Panukalang Batas bilang 6027 ay nagmumungkahi na gawing ligal ang paglusaw sa kasal o diborsyo ayon sa dalawang batayan: di-mapagkasundong pagkakaiba at talamak na kasiphayuan. Nararapat lamang na pagnilayan muna ang kahulugan ng kasal sa kulturang Pilipino bago bigyang puwang ang mga ideya ng paglusaw nito.

Ang mga Katolikong Kristiyano na bumubuo ng karamihan ng mga tao sa Pilipnas ay nagtatakwil sa paglusaw ng kasal o diborsyo. Nakakintal sa atin ang paniniwalang ang kasal o matrimonyo ay nanggaling mismo sa Diyos na siyang may-likha ng sansinukob. Ang Panginoong Hesukristo mismo ang umangat sa kasal sa karangalan ng isang sakramento.

Ang sakramento ng kasal ay isang panata higit sa isang kontrata. May kasunduang magpalitan- subalit ang pinagkakasunduan ay hindi lamang mga serbisyo o produkto kundi ang pagkatao ng mismong lalaki at babaeng nagsasagawa ng kasunduan. Ang kasunduan ay may bisa habang sila’y parehong buhay. Kapag lahat ng mga rekisito para maisagawa ang kasal ay natupad, ang kasal ay may bisa sa simbahan at sa batas.

Babaling tayo sa mga paniniwala at katotohanang ibinaba ng Inang Simbahan tungkol sa katangian ng kasal na siyang gagabay sa atin kung paano titimbangin ang panukalang ito.

Una sa lahat ang kasal ay makatao. Ang mga nagkakasundo ay lubos na kumikilala sa kanilang dignidad bilang tao, gamit ang kanilang intelektwal na kakayahang alamin ang katotohanan at ang kanilang kakayahang malayang piliin ang maganda, tama at mabuti.

Pangalawa, ang kasal ay buong buo. Ang natatanging kasunduang ito ay matutupad sa pamamagitan ng buong paghahandog ng sarili. Hindi bahagi lamang, walang taning ng panahon, at walang kundisyon. Ang kabuuang ito ay nangangahulugan ng pagbibigay at pagtanggap ng kalakasan at kahinaan, sa kalusugan at pagkakasakit, ng kabutihan at kahinaan, sa kasaganaan at kahirapan. Ang bawat isa ay pumupuno sa kakulangan ng kanyang kabiyak.

Pangatlo ang kasal ay matapat. Ang pagpapakasal ay kasunduang natatangi para sa lalaki at babae lamang na nagsumpaan. Hindi maaaring makipagkasundo silang muli sa ibang mga tao. Hinihingi nito ang katapatan na nararapat sa Diyos at hinihingi Niya sa kanyang mga nilikha.

Pang-apat, ang kasal ay mabunga o bukas sa buhay. Ang layunin ng kasal ay para sa kabutihan ng magkabiyak at sa pagkakaroon ng mga supling at pagbibigay sa kanila ng edukasyong Kristiyano. Ang kasal ang daluyan ng pagpaparami ng sangkatauhan.

Tinitiyak sa magkabiyak na ikinakasal na ang Diyos ay kasama nila sa kasunduang ito. Hindi Niya sila pababayaan sa buong panahon ng kanilang pagsasama. Ganundin, ang Simbahan ay may tungkuling tiyakin na ang mga taong ikakasal pa lamang ay nauunawaan at tinatanggap ang mga katuruan at paniniwalang nabanggit.

Ang totoong kasal ay hindi pwedeng pawalang bisa. Ang totoong kasal ay hindi maaaring lusawin ng batas na gawa ng tao.

May mga kasal na hindi nagkabisa dahil sa kakulangan ng mga rekisito at pagsasagawa ng kasal. Matapos ang sapat na pasisiyasat at paglalahad ng mga ebidensya, magsasagawa ang simbahan ng deklarasyon na walang naganap na totoong kasal. Dumadaan ito sa isang proseso. Hindi ito kaparehas ng paglulusaw sa isang kasal na totoo at mabisang naisagawa. Ang kasal na totoo at may bisa ay hindi maaaring ipawalang bisa sa kadahilanang may di mapagkasundong pagkakaiba o talamak na kasiphayuan.

Sa malalim na pagkahulugan, ang di-mapagkasundong pagkakaiba ay tumutukoy sa kawalang kakayahan ng dalawang ikinasal na pakinggan o kilalanin ng lubusan ang isa’t isa. Kawalan ito ng pagtanggap ng kapwa sa puso, upang magagap ang kahulugan ng kanyang pagkatao, at magawang makibagay, makisama, makiisa, at tanggapin ang kanyang persona.

Ang talamak na kasiphayuan ay sakit ng mundong lukob ng pagkamakasarili kung saan ang mga indibidwal ay sinasagasaan ang karapatan ng kapwa makuha lamang ang sariling gusto. Ang paghahabol sa kaligayahan at personal na kaginhawaan sa kasalukuyang lipunan ay nagbunga ng kaisipang kanya-kanya at makasarili.

May mga paraan upang pagkasunduin ang mga pagkakaiba at baguhin ang mga pag-uugali at kalooban ng mga tao. Sa pakikipagtulungan ng mga institusyong panglipunan at medikal, may mga gawain ang simbahan na umaagapay sa mga mag-asawa at indibidwal na nais dumaan sa proseso ng pagkakasundo at paghilom.

Ang talamak na kasiphayuan ay maaring palatandaan ng iba’t ibang uri ng pabigat sa damdamin o sa isipan, o marahil ng karamdaman. May pamamaraan ng paggagamot sa ganitong mga karamdaman. Maaring tulungan ang taong nasisiphayo na tanggapin at baguhin ang kanyang sitwasyon. Ang pagkakasakit o kasiphayuan ay hindi batayan upang sabihin na may depekto ang kasal.

Kung kaya tungkulin ng bawat mag-asawang tumanggap sa sakramento na pagbutihin ang kanilang pagsasama hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para rin sa sangkatauhan. Ang kasal ay may mabigat na impluwensya sa kabutihan o kasiraan ng ating sibilisasyon. Bawat mag-asawa ay may pananagutan sa kanilang komunidad na ipakita ang magandang modelo ng pag-aasawa at iwaksi ang masamang larawan nito.

Ang batas na nagbibigay katwiran sa paglusaw ng kasal ay mapanganib sa lipunan dahil ito ay magbibigay ng madaliang pagtakbo sa isang kamalian na gawa ng kasalanan at kawalang responsibilidad ng tao. Kapag nagpapakita ng kahinaan ang isang tao sa loob ng relasyong mag-asawa, ang tamang pagtugon ay patatagin siya nang maigpawan ang kahinaan at masumpungan niya ang kanyang pinakamahusay na sarili. Ito ang disenyo ng Diyos sa pag-aasawa: na ang magkabiyak ay magkatulong na lakbayin ang landas ng kabanalan na madalas ay may kaakibat na sakripisyo at paglalaan ng sarili upang maranasan ng mag-asawa ang presensya ng Diyos sa kanilang buhay.

Kapag binigyan ng madaliang ligal na paraan ang mga mag-asawang nagkakaroon ng mga hamon sa kanilang pagsasama, mabibigo silang harapin ang pinag-ugatan ng kanilang away at kasiphayuan. Ang ganitong pagkakamali ay lilikha ng walang hanggang pag-ikid tungo sa pagkamakasarili at pagtakas sa kanilang mga kinatatakutan. Hindi nila mararanasan ang lubusang paglago ng kanilang pagkatao na nararapat nilang makamtan.

ITAKWIL ang House Bill 6027 at lahat ng mga hakbanging sisira sa pag-aasawa at pamilya. IPAGTANGGOL ang kasal at pamilya at ITAGUYOD ang kaganapan ng buhay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *