New Pathways For Synodality

III. Some scriptural reflections

(Mga pagmumulat sa karanasan ng pakikilakbay sa Synod on Synodality sa Liwanag ng Salita ng Diyos)

Engkwentro o pakikitagpo sa Kristong Muling Nabuhay: Ito ang piniling sundin ng National Synodal Team bilang balangkas ng Pakikilakbay para sa ating mga Presynodal Consultations sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng tipikal na paraan ng Bibliyarasal (o lectio divina), ginamit natin bilang gabay sa bahaginan ang Kuwento ni San Lukas ch. 24:13-35 tungkol dalawang alagad sa daan papuntang Emmaus na sinamahan ng Panginoong- muling-nabuhay sa paglalakbay ngunit hindi nila kaagad nakilala.

Sa sinodong ito, marami rin tayong nakasama sa daan na sa simula ay mistulang mga estranghero sa atin. Katulad ng dalawang alagad, mayroon ding mga tabing na pumipigil sa atin upang makilala ang ating kalakbay. Halimbawa na rito ang mga paunang reaksyon ng mga sektor na inimbitahan natin sa kuwentuhan. Kahit umoo sa imbitasyon, inamin ng karamihan sa kanila may duda sa loob nila, mga tanong, mga agam-agam. Ano kaya ang “tunay na agenda” ng simbahan para sa konsultasyon na ito?

Sa pakikilakbay, sabayan ang pagmumulat natin na may mga salamin pala tayong suot-suot na kumukulay sa paningin natin sa isa’t isa, at pumipigil sa atin na makinig o umunawa sa sinasabi ng isa’t isa. Kadalasan nagiging dahilan ang mga ito ng ng pagkatakot at pag-iwas sa isa’t isa. Tinuturuan tayo ni Kristo na magsuot ng kakaibang salamin: salamin ng katarungan at habag, nang magkasabay, upang luminaw ang paningin natin at hindi tayo matisod, lumihis, o maligaw.

Sa kanyang mga lakbayin, maraming beses na huminto si Hesus upang pansinin ang hindi napapansin ng iba. Mga katulad nina Bartimaeo, ang bulag na pulubi, si Zaqueo, ang pandak na tagasingil ng buwis na umakyat sa punong sikomoro, ang babaeng naaagasan ng dugo, ang babaeng balo na naglilibing ng anak niyang lalaki, at ang babaeng Samaritana.

Sa daan patungong Jerusalem, mula sa Galilea, buong tiyagang iminulat niya ang kanyang mga alagad sa tunay niyang layunin at misyon: si Pedro na pumipigil sa kanya na tumuloy sa Jerusalem, ang mga alagad na nagtatalo kung sino ang pinakadakila sa kanila, at sina Santiago at Juan na ibig maupo sa kaliwa’t kanan niya.

Binigyan natin ng natatanging panlasang kultural ang sinodal na engkwentro natin sa Pilipinas sa pamamagitan ng karanasan ng Pagkabuhay bilang SALUBONG.

Sa kulturang Pilipino, belong itim ang paglalarawan natin sa tabing na ito sa ating pagsasaritwal ng engkuwentro ng Mahal na Ina sa Anak niyang Muling Nabuhay. Belong tumatakip sa paningin ng Birhen Dolorosa, ang Inang Nagluluksa. Maikli lang ang ritwal na ito. Nakatutok sa sandali ng pagbaba ng anghel upang alisin ang belo, habang nakatingin ang taumbayan naghihintay na puno ng pananabik. Halos mabasa mo sa mukha nila ang isang panalangin. Na masilayan din nila ang liwanag ng pag-asa sa gitna ng mga kadilimang bumabalot din sa buhay nila. Salubong ang tawag natin sa ritwal na ito. At napakalakas ng dating nang gawin natin itong balangkas para sa ating mga diocesan, metropolitan at national presynodal consultations. Sa simpleng kuwentuhan, para bang binabaan ng anghel ang mga nakilakbay.

Ito ang salitang ginamit natin upang ipaunawa ang ibig sabihin ng Synodality: pakikilakbay. At tulad ng ulat ni San Lukas tungkol sa pagpapakita ni Hesus sa dalawang alagad, hindi ito biglaan. Unti-unti, dahan-dahan, yugto-yugto. Ang simula nito ay simpleng paglapit, masusing pakikinig, pakikiramdam, pagpapaliwanag o pagbibigay-saysay, at pakikisalo. Ang lahat ng ito ay naging sangkap ng mga konsultasyon. At dahil siguro sa mahabang karanasan ng pandemya na naglayo sa atin sa isa’t isa, sinamantala ng mga lumahok ang bawat pagtitipon para makaranas na muli ng ganyang mga engkuwentro. Nangyari pa mandin noong kasagsagan ng pagkalat ng nakamamatay na Delta variant ng Covid19. Virtual man o physical, naging napakatindi ng mga bahaginan.

Kahit importante ang mga guide questions, ang mga instructions, ang balangkas ng konsultasyon, sa karanasan para bang nabubuo ang daan sa mismong pakikilakbay. May isang makatang nagsabi nang ganito sa isa sa kanyang mga tula na pinamagatang Caminante. “Caminando no hay camino, se hace camino al andar.” Kahit daw parang walang malinaw na daan sa patutunguhan, nabubuo ang daan sa mismong paglalakad.

Di ba sa ganitong paraan nagpamalas ang Diyos sa kanyang bayan nang tumakas ang mga ito sa Egipto at nasukol sila sa may dalampasigan ng Dagat na Pula (Exodo 14-15)? Noon nila nakilala ang Diyos na gumagawa ng daan kapag walang daan (God will make a way when there is no way. Ito ang kuwento ng Book of Exodus, di ba? How God made a way for them through the Red Sea, a way through the desert, a way to promised land.

Ang Diyos ang gagawa ng daan, hindi tayo. Sumasabay lang tayo sa kanya na kusang lumapit at nakilakbay sa atin sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao niya. Sapat na ang makiisang puso sa kanya, makilahok sa kanyang katawan, makibahagi sa kanyang misyon. Tama si San Francisco de Asis sa kanyang panalangin—na ang dapat hilingin ay ang tayo mismo ay maging daan ng kapayapaan, ng pagibig, ng patawad, ng pananampalataya.

Hindi ba’t ito rin ang ipinanawagan ni San Juan Bautista (Mt 3:3) na humiram sa mga salita sa propetang Isaias (Is 40:3-4): IHANDA ANG DAAN NG PANGINOON! Apat na gawain: (ang mataas na bundok ibababa) pagpapakumbaba, (ang mga burol at tatambakan) pagpupuno, (ang liko-liko ay itutuwid) pagtutuwid, at (ang magaspang ay pipinuhin) pagpipino, upang masilayan ang kaluwalhatian ng Diyos. Itong apat na paraan ng paghahanda ng daan ang pinapangarap natin ngayon, matapos nating maganap ang Konsultasyon. Hinihintay nating maganap ang kontinetal at pandaigdigang antas ng konsultasyon at ang ibubunga nitong apostolic exhortation na ilalabas ni Papa Francisco sa taon 2024.

Sa lakbayin ng buhay, maraming nasasantabi, naiiwan sa kalsada ng buhay. May bumabagsak, may nabibiktima, may naliligaw ng landas. Si Kristo ay kumakatawan sa Diyos na pumapel bilang Mabuting Samaritanoo upang alalayan si Adan sa Landas Patungo sa Ama. Siya ang manlalakbay na hindi nag-atubiling maantala sa kanyang biyahe upang ang biktima ay makapagpatuloy sa kanyang lakbayin. (Lk 10:25-37)

Sino ang kalakbay? Hindi lang mga kaparokya, hindi lang kapwa Katoliko, hindi lang kapwa-Kristiyano, hindi lang kapwa mananampalataya, kundi bawat kapwa tao, kapwa nilalang, kapwa kasambahay sa iisang tahanan.

Maraming mga agwat na kailangang bagtasin o tawirin. Mga agwat na naglalayo sa atin sa isa’t isa. Ang papel ni Kristo ay magsilbing tulay na mag-uugnay o mamamagitan sa langit at sa lupa, sa Diyos at sangkatauhan. Tayong sambayanan ng kanyang mga alagad ay tinawag niya upang makipagkaisang-puso at diwa sa kanya, makilahok sa kanyang buhay at makibahagi sa kanyang misyon ng pakikilakbay sa sangkatauhan tungo sa kaharian ng Diyos.

###

Comments are closed.