Filipino Translation “Hindi na Sapat ang Mangarap; Kailangan Nang Magtaya”

Pahayag ng Kagawaran ng Teyolohiya, Pamantasan ng Ateneo de Manila Tungkol sa Halalan 2022

Ang parating na halalan sa Mayo ay isang napakahalagang pagkakataon sa ating kasaysayan. Ang ating walang katiyakang kinabukasan ay pagpapasyahan ng ating pagpili sa mga bagong mamumuno. Samantala, ang social media ay pinuputakti ng salu-salungat na tinig na humihingi ng ating suporta – mula sa mga mabulaklak na pangako ng mas matiwasay na bukas, sa mga tinig ng di-matitinag na disiplina at integridad, hanggang sa mga boses ng mga walang tunay na plataporma o plano maliban sa mabababaw na pakulo para umano sa ikabubuti ng bansa. Sa ating mga online classrooms at social media, maririnig natin ang tinig ng mga kabataan, mulat sa iba’t ibang kalagayan ng mga sektor ng lipunan, may paninindigang  nagsasalita, tumataghoy, at kumikilos nang may pag-asa para sa pagbabago.

Marami ang nangangako ng pagbabago, ngunit anong direksyon ang dapat nating tunguhin at kaninong plataporma ang dapat nating suportahan? Bagaman pinaninindigan namin na walang sinuman ang maaaring piliting kumilos o magpasya nang labag sa kanilang konsensya, dapat nating hanapin ang katotohanan at gumawa ng mga pasya na naaayon dito sapagkat kung “walang pagtitiwala at pagmamahal sa kung ano ang totoo, walang panlipunang konsensya at pananagutan.” Ang dangal ng konsensya ay nalalabag kapag wala itong malasakit na hanapin kung ano ang totoo at mabuti. Ang pananagutang sundin ang ating konsensya ay may katumbas na obligasyon na hubugin ito ayon sa paghahangad ng Diyos sa katarungan at ingklusibong pag-ibig na ipinahayag sa Ebanghelyo.

Kaya naman, hinihinging pagnilayan natin ang kinabukasang ibig natin para sa ating henerasyon, isang bukas na “maaasahan, maginhawa, at siguradong buhay… panatag dahil alam natin na laging may sapat para sa ating pang araw-araw na pangangailangan at mga di-inaasahang gastusin, na nakapagpaplano at nakapaghahanda tayo para sa kinabukasan natin at ng ating mga anak” tulad ng paglalarawan ng NEDA. Gaano tayo kasigasig sa pagkamit ng mga pangarap na ito? Pinagtiisan natin sa nakalipas na anim na taon ang isang gobyernong nauugnay sa garapalang pagdepensa sa mga tunay na may-sala, talamak na korapsyon, pamumunong walang kakayahan, at kulang sa maasahang kilos para matupad ang mga dapat at totoong pagbabago. Panahon na para harapin ang kinabukasan nang may tapang.

Hindi na sapat ang mangarap, kailangan nang magtaya.

Sa kabila ng mga kapangyarihan at pwersa na pumipilit sa ating lumimot, at bilang pagtutol sa mga ito, kailangan nating alalahanin ang mga mapanganib na ala-ala ng kalupitan ng Batas Militar, at gumawa ng mahihirap na pasya, sa kabila ng panganib na mahusgahan o hindi tayo maintindihan. Kailangan na natin kumilos ngayon kahit maraming nag-iisip na walang patutunguhan ang ating mga pagsusumikap. Sa kabila ng halaga na hinihinging kapalit nito, patuloy tayong nangangarap hindi lamang para sa ating sarili kundi para sa lahat na naniniwalang “ang isang bagong mundo ay hindi lamang posible, ito ay paparating na” (Arundhati Roy).

“Anong klaseng mundo ang nais nating ipasa sa mga susunod sa atin, sa mga batang lumalaki na ngayon?” Para sa kanila, nangangarap tayo ng mundong may katarungan at pagkakataon para sa lahat na makilahok sa mga makabuluhang pagpapasya ng lipunan, may pagtataguyod sa kabutihang panlahat, at pagkiling sa mga nangangailangan at naisasantabi. Nangangarap din tayo para sa kapakanan ng kalikasan sapagkat may kaugnayan sa kabuohang pag-unlad ng tao ang pagkalinga sa mundong ating tahanan. Kaya naman, naghahangad tayo na magkaroon ng mga pinunong handang makinig sa panaghoy ng mga dukha at ng kalikasan. Sa pangangarap nating ito, patuloy tayong kumakapit sa pangako na nagsimula nang maganap sa muling pagkabuhay ni Kristo; sa pangako na papahirin ng Diyos ang ating mga luha at mawawala na ang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang lumang kaayusan (Pahayag 21:4).

Ang mundong pinapangarap natin ay kabaliktaran ng Pilipinas na mayroon tayo sa ngayon. Maraming dukha ang naging biktima ng war on drugs. Samantala, isiniwalat naman ng pandemya ang pagkukulang ng mga pangako ng isang papyulistang pangangampanya. Ang mga kakulangang ito ang nagpalala ng karukhaan at hindi makataong kalagayan ng mga mahihirap. Marami sa kanila ang nawalan ng seguridad, hanapbuhay, at mga mahal sa buhay. Bukod dito, ang mga taong nagsasalita laban sa mga kakulangang ito ay itinuturing na mga rebelde at terorista. Patuloy namang binabalahura ang mga kababaihan sa mga pampublikong diskurso. Patuloy rin ang pagpapasasa ng mga may kapangyarihan na pinagbabayaran ng kalikasan, mga katutubo, magsasaka, at mangingisda. Ang ating pangako na “never again”, kung saan di na natin papayagan ang karahasan at pang-aapi, ay tila ba atin nang nalilimutan. Ang kalagayang ito ng ating bansa ay hudyat ng kasalukuyang panahon na tumatawag sa ating maging mga propeta at manindigan para sa katotohanan kahit na magmukha tayong salungat sa pagkakaisa. Sapagkat hungkag ang pagkakaisang taliwas sa mga prinsipyo ng Mabuting Balita. Tunay lamang ang pagkakaisa kung nakasalig ito sa katotohanan, katarungang para sa lahat, at pamamahalang tapat. Samantalang maraming tinig ang nanawagan ng pagbabago at higit sa isang kandidato ang may mga platapormang sumasalamin sa mga prinsipyong nabanggit at pag-asang tinatanaw, pinili namin sina Leni Robredo at Kiko Pangilinan mula sa mga ito, sapagkat kinakatawan nila ang huwarang pamumuno na walang bahid ng kurapsyon at ang mga katangiang may kakayahang tumugon sa mga suliranin ng lipunan. Ang aming boto para sa tambalang Robredo-Pangilinan ay hindi lamang dahil sa tsansa nilang manalo. Higit sa lahat, kinakatawan ng aming boto ang masidhing pagsalungat sa pagbabalik sa kapangyarihan ng mga pamilyang Marcos at Duterte na syang sumira sa pagkakaisa ng bansa. Ang aming boto ay isang maalab na pagtuligsa sa mga kandidatong walang pakundangan sa kalikasan at karapatang pantao. Ang aming boto ay mariing pagtutol sa mga mandaraya at mga mapagpamihasa sa mga hindi makatarungan at mapang-aping sistema at balangkas ng lipunan na patuloy na nagpapahirap sa maraming Filipino.

Kay Leni-Kiko tayo magtaya ngayong halalalan. Mangarap para sa Pilipinas, magtaya para sa Pilipinas.

Comments are closed.